7 arestado sa pagnanakaw ng P1.2M halaga ng kable

204 Views

KALABOSO ang pitong kalalakihan na nagnakaw umano ng copper wire na nagkakahalaga ng P1.2 milyon sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina John Mark Montajes, 24-anyos; Art Vincent Piquero, 29-taong gulang; Rodolfo Mangiralas, 48-anyos; Michael Viana, 37, mga residente ng Trese Martirez, Cavite; Rodolfo Mangiralas, 48; Robert Galo, 36; at Abel Diaz, 30, mga taga-Barangay Tandang Sora, Quezon City.

Alas-12:40 ng umaga noong Sabado, Setyembre 24, ng may makakita umano sa mga suspek habang sinasamsam ang mahabang copper wire sa kanto ng Quirino Highway at Gaguera Drive, sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Ipinagbigay-alam umano ito sa pulisya at nakita ang napakahabang kable ng PLDT na ipinasok sa loob ng isang aluminum closed van truck.

Nagpakita umano ng authorization letter ang mga suspek na sila ay tauhan ng Abratique and Associates, Inc. na contractor ng PLDT.

Subalit ng berepikahin ay sinabi ng PLDT na wala silang contractor na Abratique & Associates, Inc. ang pangalan.

Narekober sa mga suspek ang 314 metro ng kable, at kanilang mga gamit sa umano’y pagnanakaw.