7 high-impact project inaprubahan ng NEDA

237 Views

INAPRUBAHAN ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang pitong high-impact projects sa ikatlong pagpupulong nito sa Malacañang.

Ayon kay Socioeconomic planning Secretary Arsenio M. Balisacan malaki ang maiaambag ng mga proyektong napili sa social at economic transformation goal ng Marcos administration.

Una sa mga proyektong ito ang P6 bilyong University of the Philippines (UP)-Philippine General Hospital (PGH) Cancer Center.

Inaprubahan din ng NEDA ang pagtataas ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) rehabilitation project sa P29.6 bilyon mula sa P21.9 bilyon; paggamit ng P2.2 bilyong balanse ng inutang sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa bagong Communications, Navigation, Surveillance-Air Traffic Management (CNS-ATM) system; at pagtatayo ng P17-bilyong New Dumaguete Airport Development Project sa Bacong, Negros Oriental.

Ang bagong Dumaguete airport project ng Department of Transportation (DOTr) ay popondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng South Korean government sa pamamagitan ng Export Import Bank of Korea Economic Development Cooperation Fund.

Kasama rin sa listahan ang P6.6-bilyong Department of Agriculture-Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIDP), at ang P20-bilyong Integrated Flood Resilience and adaptation project Phase 1 na popondohan ng Asian Development Bank (ADB).

Ang unang yugto ng flood resilience project ng DPWH ay sa Abra sa Luzon, at Ranao at Tagum-Libuganon sa Mindanao.