Calendar
80% ng operasyon ng MMDA hahawakan ni Torre
HAHAWAKAN ng general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na si Nicolas Torre III ang hanggang 80 porsiyento ng daily operations ng ahensya at itatalaga ring tagapagsalita ng tanggapan.
Ito ang inihayag ni MMDA Chairman Atty. Don Artes.
Sinabi ni Torre na masigasig niyang gagampanan ang bagong tungkulin kasabay ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakaloob sa kanya ng tiwala at pagtatalaga bilang general manager ng MMDA.
“I am excited to join the ranks of the people who keep the metropolis moving and keep the metropolis where we all live, dream, work and do business in, as my new career in government service,” pahayag ni Torre.
Sinabi ni Artes na direktang pamamahalaan ni Torre ang lahat ng may kaugnayan sa public safety, flood control, traffic management, at solid waste management sa National Capital Region (NCR).
Si Torre rin ang makikipag-ugnayan kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng flood control sa NCR.
“Dahil alam ninyo naman ang DPWH ang gumagawa ng mga infrastructure projects insofar as flood control is concerned.
Tine-turn over na lang ‘yan sa atin kapag nagawa na,” sabi ni Artes.
Bilang tagapagsalita ng ahensiya, lahat ng panayam na may kaugnayan sa trabaho ng ahensiya ay hahawakan na rin ni Torre, ayon kay Artes.
Pinangunahan ni Torre noong Lunes ang pag-inspeksiyon sa rehabilitasyon sa EDSA upang matiyak na ang lahat ng napagkasunduan, partikular ang clearing operation sa naturang lugar ay natutugunan ng maayos.

