MTRCB

80s,90s fans balik-sinehan dahil Michael Jackson biopic aprubado ng MTRCB

52 Views

MGA certified fans ni Michael Jackson at mga lumaki sa tugtugan noong dekada ’80 at ’90, oras na para magbalik-sine dahil aprubado na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Michael, ang pinakaaabangang biopic tungkol sa buhay ng tinaguriang King of Pop.

Bibida sa pelikula ang kanyang pamangkin na si Jaafar Jackson, na kapansin-pansin ang pagkakahawig sa yumaong pop icon. Binigyan ito ng PG rating, ibig sabihin puwedeng panoorin ng mas batang viewers basta may gabay ng magulang.

Sa pelikula, masisilayan ang paglalakbay ni Michael mula sa pagiging child star kasama ang The Jackson 5 hanggang sa pagiging isa sa pinakamalaking pangalan sa entertainment industry.

Sino ba naman ang hindi napasayaw sa kanyang mga awitin? Bahagi ng buhay ng maraming Pinoy noon ang kanyang albums na Thriller, Bad at Dangerous, pati ang mga hit songs na Billie Jean at Beat It. Siyempre, hindi rin mawawala ang legendary moonwalk na ginaya ng marami.

Bukod sa Michael, kasama rin sa bagong lineup ang Decadence, isang sexy drama-romance film na eksklusibo sa Megaworld Cinemas. Ito ay may R-18 rating kaya para lamang sa adult viewers.

Sa SM Cinemas naman, mapapanood ang Mother Mary starring Anne Hathaway. Ang psychological thriller ay may R-16 rating.

Isa pang mainit na entry ang Rosemead, isang crime-drama thriller sa Robinsons Movieworld tampok sina Lucy Liu, Lawrence Shou at Orion Lee. Rated R-16 din ito.

Para sa anime fans, showing din ang Gintama on Theater 2D na may R-13 rating, habang ang One OK Rock concert film ay may PG rating para sa music lovers.

Sinabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto na bahagi ng kampanya ng ahensya para sa Responsableng Panonood ang wastong classification ng mga pelikula.

“Sa pamamagitan ng malinaw na classifications, natutulungan namin ang mga pamilya na malaman kung ano ang angkop panoorin habang binibigyan din ng espasyo ang filmmakers na ikuwento ang kanilang mga obra nang responsable,” ani Sotto. Dagdag pa ni Sotto, mahalaga pa rin ang paggabay ng mga magulang lalo na sa digital age kung saan mas madaling ma-access ang iba’t ibang content. “Nagsisimula ang Responsableng Panonood sa tahanan. Hinihikayat namin ang mga magulang at guardians na gamitin ang ratings bilang gabay, lalo na ngayong mas madali nang mapanood ang content sa iba’t ibang platforms,” dagdag niya.

“Sa digital world ngayon, available ang content anumang oras at saanman. Kaya mahalagang malaki ang papel ng mga magulang at guardians sa paggabay sa mga kabataan,” aniya.