Pic

Paalala ng MTRCB sa PUV operators: Pelikulang ‘G’, ‘PG’ lang sa byahe ngayong Semana Santa

220 Views

NAGPAALALA ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa mga operator ng public utility vehicles (PUVs) at iba pang common carriers na tanging mga pelikulang “G” at “PG” lang ang dapat ipalabas sa loob ng sasakyan, laluna ngayong inaasahang dadagsa ang mga biyahero sa Semana Santa.

Sa memorandum na may petsang Marso 24, inatasan ng Board ang lahat ng operator na sumunod sa umiiral na patakaran sa pagpapalabas ng pelikula sa loob ng pampublikong transportasyon.

Ayon sa MTRCB, “tanging mga pelikula at/o trailers na may klasipikasyong General Patronage (G) at Parental Guidance (PG) lamang ang maaaring ipalabas sa loob ng mga common carrier.”

Ipinaliwanag ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto na ang “G” ay para sa lahat ng manonood at walang anumang eksenang makasasama sa mga bata. Samantala, ang “PG” ay maaaring may ilang sensitibong eksena o tema kaya kailangan ng gabay ng magulang o nakatatanda, laluna sa mga menor de edad.

Saklaw ng direktiba ang lahat ng common carriers tulad ng mga bus, barko at iba pang sasakyang pampubliko na nagpapalabas ng video o pelikula habang bumibiyahe.

Para masigurong nasusunod ang patakaran, tuluy-tuloy ang inspeksyon ng monitoring at inspection unit ng MTRCB.

Nitong nakaraang linggo, nagsagawa na ng dalawang inspeksyon ang Ahensya upang paalalahanan ang mga bus operator at pasahero sa tamang palabas sa loob ng sasakyan.

Ayon kay Sotto, layunin ng patakaran na maprotektahan ang mga komyuter, laluna ang mga bata, laban sa hindi angkop na palabas habang nasa biyahe.

“Ngayong Semana Santa, sabay-sabay ang paglalakbay ng mga pamilya. Gusto nating siguraduhin na ang napapanood sa loob ng sasakyan ay ligtas at angkop para sa lahat, laluna sa mga bata,” ani Sotto.

Dagdag pa niya: “Sa pagpapalabas ng ‘G’ at ‘PG’ na content, nakakatulong ang mga operator na maging maayos at family-friendly ang biyahe ng bawat pasahero.”

Bahagi ito ng kampanya ng Ahensya na “Responsableng Panonood,” na nagtataguyod ng tamang paggabay sa panonood ng media.

Nagbabala ang MTRCB na maaaring masuspinde o makansela ang permit ng mga operator na lalabag sa patakaran, bukod pa sa multa at iba pang parusa.

Samantala, sinabi ni Sotto na nakikiisa ang MTRCB sa buong bansa sa paggunita ng Semana Santa at hinikayat ang mga Pilipino na maglaan ng oras para magnilay.

“Panahon ito ng pagninilay at pagkakaisa. Nawa’y magdala ang Semana Santa ng pag-asa, lakas, malasakit at pagkakabuklod sa bawat Pilipino,” aniya.