Galvez

84% ng apektado ng Mindoro oil spill nalinis na

144 Views

NALINIS na ang 84 porsyento ng coastline na naapektuhan ng oil spill sa Mindoro.

Ito ang sinabi ni Defense Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. sa kanyang ulat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Galvez sa 74.71 kilometro ng naapektuhang coastline, 62.95 kilometro o 84.26 porsyento na ang nalinis hanggang noong Mayo 10 batay sa ulat ng National Task Force (NTF) at Office of Civil Defense (OCD).

Batay sa ika-15 technical report ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang Clusters 4 at 5 na kinabibilangan ng mga bayan ng Bongabong, Roxas, Mansalay, Bulalacao, San Teodoro, Baco, at Puerto Galera ay pasok na sa standard para sa pangingisda.

Nananatili naman umanong hindi pa ligtas na mangisda sa Clusters 1, 2, at 3 na malapit sa pinaglubugan ng MT Princess Empress.

Inanunsyo ng OCD ang na dumating na sa bansa ang isang siphoning vessel mula sa Singapore na siyang hihigop sa nalalabing langis sa loob ng barko. Magsisimula umano ang operasyon sa unang linggo ng Hunyo na inaasahang tatagal ng 30 araw.

Lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28 matapos na masiraan habang nasa biyahe lulan ang nasa 800,000 litro ng industrial fuel.