Motor

Motor vs motor sa bypass road sa Batangas, 1 tigok

32 Views

Live1 pumanaw, 1 sugatan sa salpukan ng 2 motor

SAN PASCUAL, BATANGAS — Patay noong Martes ang isang ‘di pa nakikilalang lalaki habang sugatan naman ang isang drayber matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Bypass Road, Brgy. Palsahingin, San Pascual, Batangas.

Batay sa ulat ng San Pascual Municipal Police Station (MPS), naganap ang banggaan bandang 3:40 ng madaling-araw sa paligid ng Palsahingin–San Mateo Bridge.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya ng San Pascual, patungong silangan ang biktima sakay ng kanyang Suzuki Raider 150 na may plakang 4542VN nang bigla itong makasalpukan nang harapan ng isang Yamaha Mio (Plate No. ND52679) na minamaneho ng isang alyas AJ na umano’y nanggaling sa kabilang direksyon at nag-counterflow o sumalungat sa lane, dahilan para ‘di na maiwasan ang malakas na pagba-banggaan ng dalawang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact, kapwa tumilapon sa kalsada ang dalawang rider na nagtamo ng malubhang mga sugat sa katawan.

Agad namang isinugod ang mga biktima sa San Pascual de Baylon Hospital at San Antonio Life Care Hospital upang lapatan ng lunas. Gayunman, pumanaw din ang drayber ng Suzuki Raider bago pa man mailigtas ng mga doktor.

Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng San Pascual MPS ukol sa nasabing insidente ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.