Calendar
Butas sa batas vs espiya: ‘Possession’ lang, hirap kasuhan
MAARING mahirapang kasuhan ang mga pinaghihinalaang espiya kung pag-iingat lamang ng surveillance equipment ang ebidensya laban sa kanila, at walang patunay na nakakuha sila ng classified information, ayon sa isang abogado ng Department of Justice (DOJ) sa Senado nitong Huwebes.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III, ginamit na halimbawa ni DOJ Senior State Counsel Fretti Ganchoon ang paghuli umano sa isang Chinese national at dalawang Pilipino sa Makati noong Enero 2025.
Batay sa kanyang pagkakaintindi, nahuli ang mga ito na may hawak na kagamitang maaaring gamitin sa pagmamapa ng mga instalasyong militar. Kung walang patunay na may aktuwal na nakuhang classified information, maaaring mahirapan ang pagsasampa ng kaso, aniya.
Sinabi naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Supervising Agent Darcy Binayan na nagsagawa ng case build-up ang NBI pero ipinaubaya sa DOJ ang pagpapasya kung sapat ang ebidensya.
Gayunman, mukhang hindi umabot sa DOJ ang kaso at maaaring nanatili ito sa antas ng imbestigasyon sa NBI, ani Ganchoon.
Umabot naman sa DOJ ang kaso ng dalawang Chinese national na nahuli umano sa labas ng main office ng Commission on Elections (Comelec) bago ang halalan noong 2022. Pero batay sa naging pahayag ng mga prosecutor sa isang technical working group sa Kamara, nahirapan silang usigin ito.
Ayon kay Jonathan Malaya ng National Security Council, karamihan sa saklaw ng Commonwealth Act No. 616 o ang Espionage Act of 1941 ay mga instalasyong militar.
Paliwanag ni Ganchoon, krimen na ang espionage sa ilalim ng batas, at ang kailangan na lang ay “modernizing our definition of espionage.”
“We really have to do something about this,” giit ni Senador Erwin Tulfo, matapos sabihing hindi makasuhan ang mga nahuli dahil possession lamang ang batayan.
Naipasa na umano ng Kamara ang House Bill 9642 o ang panukalang New Espionage Act, na nagpaparusa rin umano sa unlawful surveillance at sa ipinagbabawal na paggamit ng camera, drone, listening device at tracking equipment.
