Catch-up plan sa naantalang ₱68-B classroom program

30 Views

HININGI ni Sen. Bam Aquino sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang catch-up plan para sa naantalang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng ₱68-bilyong school infrastructure program ngayong 2026.

Sa pagtalakay sa panukalang badyet ng DepEd para sa 2027 nitong Biyernes, nais malaman ni Aquino kung ilang silid-aralan na ang naipatayo, ilan pa ang kulang at paano ginagamit ang pondong inilaan para sa programa.

“Alam ko po nagkaroon ng mga delays sa pagpo-procure at paggawa ng mga classrooms. Nais ho nating malaman ano yung ating catch-up plan from both DepEd and DPWH,” ani Aquino.

Ayon sa senador, umabot sa 165,000 ang kakulangan sa mga silid-aralan nang una siyang pumasok sa Senado. Hiniling niya sa DepEd na magbigay ng bagong bilang at malinaw na plano upang mabawasan ang backlog.

Pinatutukan din ni Aquino ang tatlong paraan ng pagpapatayo ng mga silid-aralan: sa pangunguna ng mga lokal na pamahalaan, sa ilalim ng DPWH at sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPP).

Nais niyang malaman ang katayuan ng mga proyekto at kung kailan maaaring makinabang ang mga mag-aaral sa mga bagong silid-aralan.

Bukod sa classroom shortage, kinuwestiyon ni Aquino ang malaking bawas sa panukalang pondo para sa school feeding program sa 2027.

Sinabi niyang mula sa humigit-kumulang ₱27 bilyon ngayong 2026, bumaba sa wala pang ₱12 bilyon ang pondong nakasaad sa panukalang badyet para sa susunod na taon.

“Ang laki po ng slash. Ang laki po ng binawas po dito,” ani Aquino.

Ayon sa senador, nangangailangan pa ng karagdagang pondo ang planong pagpapalawak ng libreng pagkain sa lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga pampublikong paaralan.

Sinabi niyang sakop na ng universal feeding ang Kindergarten at Grade 1 ngayong 2026, ngunit layunin ng panukalang Expanded National Nutrition Program na isama ang Grade 2 at Grade 3.

Iminungkahi rin umano ng DepEd na itaas mula ₱25 hanggang ₱35 ang halaga ng bawat pagkain dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Ano na yung mabibili natin sa presyo ng bilihin ngayon sa 25 pesos?” tanong niya.

Gayunman, sinabi ni Aquino na maaaring mabawasan ang bilang ng mga batang mabibigyan ng pagkain kung tataas ang halaga ng bawat meal nang walang sapat na dagdag na pondo.

Inaasahan niyang tatalakayin sa bicameral conference committee sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ang panukalang pagpapalawak ng feeding program.

Isa pang pinatutukan ng senador ang pondong kakailanganin para sa School Safety Act, na naipasa na sa Senado ngunit hindi pa naaaprubahan ng Kamara.

Sinabi niyang dapat saklawin ng mga hakbang sa kaligtasan sa paaralan ang pagharap sa mga banta at karahasan, hindi lamang ang paglalagay ng CCTV at metal detectors.

Hiniling din ni Aquino na maibalik sa katumbas ng apat na porsiyento ng gross domestic product (GDP) ang kabuuang pondo para sa edukasyon.

Ayon sa senador, batay sa kanilang kalkulasyon, kulang pa ang panukalang badyet upang maabot ang target.

Binigyang-diin niya na bago aprubahan ang badyet para sa 2027, kailangang suriin kung aling mga programa ang naipatupad, alin ang hindi umabot sa target at ano ang dapat baguhin upang matiyak na napapakinabangan ng mga mag-aaral at guro ang pondo ng pamahalaan.