Calendar
PARI SA ECUADOR NASAWI MATAPOS TAMAAN NG NAHULOG NA KRUS HABANG NAGMIMISA
NASAWI ang isang paring Katoliko sa Ecuador matapos bumagsak sa kanyang ulo ang isang malaking kahoy na krus habang nagdaraos ng misa na naka-livestream sa social media nitong gabi ng Oktubre 17.
Kinilala ng Archdiocese of Guayaquil ang pari na si Father Patrick Alfredo Sánchez Molinari ng Perpetuo Socorro Church. Makikita sa video ng misa ang pagkakalas ng krus mula sa dingding sa ibabaw ng altar bago tumama sa ulo ng pari habang isinasagawa niya ang banal na misa.
Hindi umano napansin ng pari ang pagbagsak ng krus. Maririnig naman sa livestream ang paghingi ng saklolo ng mga dumalo, kabilang ang pagtawag ng ambulansya, habang nagpapatuloy ang broadcast.
Base sa isang English-translated Instagram post ng Archdiocese of Guayaquil, kinumpirma ang pagpanaw ni Sánchez noong gabi ng Oktubre 17 habang ipinagdiriwang ang misa. Nag-alay rin ng misa bilang pag-alala sa pari si Cardinal Luis Cabrera, arsobispo ng Guayaquil, kasama ang mga auxiliary bishop, pari, miyembro ng Congregation of the Most Holy Redeemer at mga parokyano.
Nagpasalamat din ang Archdiocese sa mga mensahe ng pakikiramay mula sa iba’t ibang panig ng mundo at sa mga panalanging inialay para sa kapayapaan ng kaluluwa ng pari.
Miyembro si Sánchez ng Congregation of the Most Holy Redeemer, isang orden ng Simbahang Katolika na itinatag noong 1732 at may presensya sa 80 bansa. Wala pang inilalabas na pahayag ang mga lokal na awtoridad tungkol sa insidente.
