Hot News

Mga congressman nanawagan kay PBBM na ideklarang persona non grata dayuhang envoy

70 Views

PicPic1NAGHAIN ang hindi bababa sa 10 miyembro ng House of Representatives ng House Resolution 1562 na humihimok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Ambassador Jing Quan ng People’s Republic of China.

Iminumungkahi rin sa resolusyon na ipa-recall o pabalikin sa China si Jing sa pamamagitan ng pamahalaan ng People’s Republic of China (PRC).

Nagsimula ang hakbang ng mga mambabatas kasunod ng pahayag ni Jing.

“Nitong Oktubre 15, 2026, nang tanungin tungkol sa paglalarawan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. sa China bilang isang ‘troublemaker’ sa rehiyon, sinabi ni Ambassador Jing Quan sa mga mamamahayag sa Diliman Dialogues sa Quezon City na, ‘Kung nais nating gumamit ng puwersa, madali tayong mananalo. Ngunit hindi, hindi tayo gagamit ng puwersa.’ Idinagdag pa niya na dapat ituring ng Pilipinas na masuwerte ito sa pagkakaroon ng China bilang kapitbahay, dahil hindi gagamit ng puwersa ang Beijing sapagkat itinataguyod nito ang kapayapaan,” ayon sa resolusyon.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tila nagpapahiwatig ang mga pahayag ng isang “hindi tuwirang nakatagong banta ng paggamit ng puwersa.”

Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos na para sa kaniya, ang pahayag ay “tunay na parang isang banta,” at inanunsiyo niyang ipatatawag niya si Ambassador Jing sa Malacañang.

Ang resolusyon ay inakda nina Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, Zamboanga del Norte 3rd District Rep. Adrian Michael Amatong, Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña, Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima, Akbayan party-list Rep. Chel Diokno, Akbayan party-list Rep. Dadah Kiram Ismula, Albay 1st District Rep. Cielo Krisel Lagman, Pinoy Workers party-list Rep. Karl Fernandez Legazpi, at Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos.

Naghain din sina Sen. Erwin Tulfo at Sen. Risa Hontiveros ng magkakahiwalay na resolusyon na humihimok sa pamahalaan na ideklarang persona non grata si Jing.