Sen. Robin sa P2 movie ticket tax: Tama ba ito ang mahal mahal na ng ticket?

55 Views

KINUWESTYON umano ni Senador Robinhood “Robin” Padilla nitong Miyerkules ang panukala ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na patawan ng P2 buwis ang bawat movie ticket para pondohan ang bubuuing National Film Commission.

“Tama po ba ito ang mahal mahal na ng ticket?” tanong umano ni Padilla kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Jose Maria “Joey” Reyes sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na kanyang pinangunahan.

Sa ilalim umano ng Senate Bill No. 479 ni Estrada, popondohan ang komisyon sa pamamagitan ng “special film commission tax” na P2 sa bawat tiket na maibebenta sa bansa sa loob ng 20 taon.

Iginiit ng explanatory note ng panukala ang pangangailangan sa isang komisyon, dahil nalimitahan umano ng kakulangan ng FDCP sa tao at pondo ang paglago at kakayahang makipagsabayan ng industriya sa gitna ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya.

Wala sa pagdinig si Estrada, na kasalukuyang nakadetine. Hindi pa makuha ang panig niya hinggil dito.

Iminungkahi naman umano ni Reyes na babaan ang presyo ng tiket sa sinehan para mahikayat muli ang publiko na manood ng pelikula.

Ayon sa Senado, pinangunahan ni Padilla ang talakayan sa mga panukalang magtatatag ng National Film Archive, National Film Commission at Film Industry Month.

Bukod sa panukala ni Estrada, layon din ng Senate Bill Nos. 312 at 1166 nina Senador Manuel “Lito” Lapid at Mark Villar na gawing komisyon ang FDCP, na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 9167 noong 2002.

Ayon sa Philippine Film Archive, humigit-kumulang 65 porsiyento ng pamanang pelikula ng bansa ang nawala o nasira na. Layon ng Senate Bill Nos. 132 at 477 nina Lapid at Estrada na magtatag ng National Film Archive para pangalagaan ang mga pelikulang Pilipino.

Ikinuwento rin ni Padilla kung paano siya nagsimula sa industriya ng showbiz, at iginiit na dapat patas, responsable at napapanahon ang mga umiiral na regulasyon sa media.

Aniya, layunin nilang bumuo ng mas matatag at mas mapagkumpitensyang industriya ng pelikula na kumikilala sa dignidad, karapatan at kapakanan ng mga taong bahagi nito.

Nakabinbin pa sa antas ng komite ang mga panukala.