OPAPRU

Dagdag P14B kailangan para mapabuti socioeconomic packages ng 14K ex-MILF combatants

53 Views

KAILANGANG ng dagdag na P14 bilyon para mapabuti ang socioeconomic packages ng 14,000 decommissioned combatant ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF), ayon kay Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Mel Senen Sarmiento.

Inilatag umano ito ni Sarmiento sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee A nitong Martes sa panukalang P9.3 bilyong budget ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) para sa 2027.

Dapat umanong makatanggap ang bawat decommissioned combatant ng P1 milyong socioeconomic package na binubuo ng agarang cash assistance, study grants, skills training at social protection.

Ayon umano kay Sarmiento, hindi tugma ang kasalukuyang package sa pangangailangan ng mga dating combatant na lampas 50 taong gulang. Nakipagpulong na umano ang OPAPRU sa MILF BIAF para magpanukala ng mas angkop na package.

Sinabi umano ni Senate President Sherwin Gatchalian na hindi maaaring talikuran ng gobyerno ang kasunduan nito sa MILF-BIAF, pero malaking halaga ang P14 bilyon.

Sinabi rin umano ni OPAPRU Undersecretary Wilben Mayor na humiling ang ahensiya ng P13.44 bilyon para sa 2027, pero P9.30 bilyon ang inilaan dito sa panukalang National Expenditure Program, kulang ng P4.14 bilyon para matupad ang mga commitment ng gobyerno pagsapit ng 2028.

Ayon umano sa OPAPRU, naantala ang pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan sa mga nakaraang taon dahil sa Covid-19 pandemic, mga isyu sa pamamahala at pagpapalit ng administrasyon, kaya kritikal ang 2027 para makahabol.

Ayon sa Senado, ibinahagi ng mga opisyal ng OPAPRU ang mga hamon sa pagpapatupad ng normalization, livelihood, edukasyon at development programs sa mga komunidad na apektado o madaling tamaan ng kaguluhan.

Iginiit naman ng mga senador na kailangang samahan ng kaunlarang pang-ekonomiya at oportunidad ang mga natamo ng peace process para mapanatili ang mga ito, ayon sa Senado.