Calendar
DBM pansamantalang ‘di maglalabas ng pondong saklaw ng SC ruling
PANSAMANTALANG hindi maglalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng pondong saklaw ng desisyon ng Korte Suprema sa national budget habang humihingi ito ng paglilinaw sa Korte, ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon.
“But one thing we can assure is the Executive is not releasing anything as of now triggered by Sections 1A and 1B as covered by the Supreme Court decision,” ani De Leon sa Senate Committee on Finance.
Wala pang nailalabas mula sa 2026 unprogrammed appropriations na nakabatay sa dalawang probisyong idineklarang labag sa Konstitusyon at tanging foreign-assisted projects pa lamang ang napopondohan mula rito.
Hindi pa rin nailalabas ang dagdag na pondo sa 2025 special road fund na saklaw ng desisyon habang hindi na ilalabas ang natitirang 2024 unprogrammed appropriations dahil hanggang Disyembre 31, 2025 lamang ang bisa nito.
Sinabi niyang 2 gabi ng pinag-aaralan ng DBM ang desisyon at makikipagpulong ito sa Office of the Solicitor General para humingi ng paglilinaw sa Korte Suprema dahil sa mga isyu sa hindi pa nailalabas na pondo, mga allotment na hindi pa nao-obligate at mga hindi pa nababayarang obligasyon.
“We’re in limbo,” ani Sen. Imee Marcos na humiling sa DBM na isumite bago ang plenary debates kung magkano ang nailabas at hindi pa nailalabas mula sa mga pondong saklaw ng desisyon.
Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na dapat matiyak na hindi lalabag sa Konstitusyon ang 2027 budget.
Ipinunto ni Gatchalian na kung tatanggalin ang dalawang probisyon, maaaring foreign-assisted projects na lamang ang matira sa unprogrammed appropriations. “Pag tinanggal mo yun, there’s no more use for unprogrammed,” aniya.
Ayon kay Committee on Finance chairman Senador JV Ejercito, hindi idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations mismo, pero malinaw aniya ang paalala nito sa Kongreso na may hangganan ang kapangyarihan nito sa budget.
Sinabi rin ni De Leon na tinanggal na sa panukalang 2027 budget ang awtoridad ng DBM na ilipat ang pondo mula sa isang layunin patungo sa iba sa loob ng unprogrammed appropriations.
