Calendar
Proyekto ng mahihirap na komunidad, tatamaan ng P5.5-B tapyas ng Kamara—DSWD
LILIIT ang pondong matatanggap ng mga mahihirap at malalayong komunidad para sa kanilang maliliit na proyekto dahil sa P5.5 bilyong tinapyas ng Kamara sa Philippine Community Resilience Project o “Panahon ng Pagkilos” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Ang proyekto, na pinopondohan ng World Bank, ang kapalit ng matagal nang Kalahi community-driven development program na nagtapos noong 2024.
“Kasi kung ongoing na siya tapos mababawasan, mapuputol, sayang inumpisahan,” ani Senate President Sherwin Gatchalian.
Ayon sa kalihim, nasa unang round na ngayong taon ang limang taong programa na tatagal hanggang 2031.
Natukoy na aniya ang mga benepisyaryong LGU at naabisuhan na ang mga ito sa kanilang alokasyon, kaya nakapagplano na ang mga komunidad.
Hindi aniya mababawasan ang bilang ng mga komunidad, pero liliit ang grant na matatanggap ng bawat isa dahil kailangang hatiin nang proporsiyonal ang tapyas. Sa loan-funded na bahagi ng proyekto tumama ang tapyas, at hindi sa counterpart ng gobyerno.
“Baka wala na silang matapos with that,” ani Senate President Gatchalian. “Madam Chair, that’s the fear,” sagot ng kalihim.
Nagbabala rin ang kalihim na maaaring hindi ito ikatuwa ng development partner dahil napagkasunduan na ang disenyo at mga target ng proyekto.
Sinabi ng Senate President na isasaalang-alang ito ng Senado habang sinusuri ang mga tapyas at dagdag ng Kamara sa budget.
