Pangilinan

FMR na nasa dagat coordinates ipaliwanag–Pangilinan

29 Views

HINILING ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Agriculture (DA) na ipaliwanag kung bakit nasa dagat ang coordinates ng ilang farm-to-market road (FMR) project, kabilang ang mga tumuturo sa Benham Rise at Celebes Sea.

Kabilang sa mga natukoy ang mga FMR na nagkakahalaga ng P23 milyon na dapat ay nasa Nueva Ecija pero tumuturo ang coordinates malapit sa Benham Rise, na opisyal nang tinatawag na Philippine Rise, sa silangan ng Luzon.

May P30 milyong proyekto rin na dapat ay nasa Cebu pero nasa Celebes Sea malapit sa Indonesia ang coordinates.

Isa pang P55 milyong FMR ang tumuturo malapit sa Brunei. Nauna nang sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na umano’y nakalaan ito sa Quezon.

Iniulat ni Ken Abante, co-convenor ng People’s Budget Coalition, sa isang pagdinig ng Senado na may mga FMR coordinates na natagpuan sa dagat. Tinalakay naman ang mga FMR sa Nueva Ecija sa pagdinig sa panukalang badyet ng DA noong Miyerkoles, Oktubre 21.

“Paano ito nakalusot? Paano na-verify at nai-record sa government databases itong mga coordinates na nasa dagat pala?” tanong ni Pangilinan.

Hinimok niya ang DA na ayusin ang mga teknikal na butas sa FMR Watch, ang online portal ng ahensya para sa pagsubaybay sa mga FMR project.

Kabilang dito ang pag-standardize ng mapping at geotagging, at paggamit ng mas eksaktong kagamitan sa land survey gaya ng Real-Time Kinematic (RTK) technology sa halip na ordinaryong mobile device.

“Aanhin natin ang dashboard kung mali-mali naman pala ang datos dito? Kung seryoso tayo na maging transparent at accountable, dapat malinaw at tama ang mga impormasyon sa portal,” ani Pangilinan.

Pinuri rin niya ang People’s Budget Coalition sa pagtukoy sa mga proyekto, pero iginiit na dapat kumilos agad para walang butas na mapagsamantalahan ng mga tiwali sa gobyerno.

“Tulad ng flood control, nakatutok ang taumbayan sa mga farm-to-market projects dahil sa lumalalang kalagayan ng food security sa bansa,” aniya.

Ayon kay Pangilinan, mahalaga ang FMR sa pagdugtong ng mga magsasaka at mangingisda sa merkado, sa pagbaba ng gastos sa transportasyon at sa pagbawas ng post-harvest losses.

Nanawagan siya ng masusing pagsusuri sa records ng mga apektadong proyekto, kabilang ang coordinates, aprubadong plano, kontrata, estado ng implementasyon, inspection report at aktuwal na lokasyon sa lugar.