Calendar
Ipagpaliban muna badge rule sa online sellers
HINIMOK ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino nitong ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipagpaliban ang Registration Seal Badge requirement sa online businesses o huwag munang patawan ng multa ang mga hindi makasusunod hanggang sa katapusan ng taon.
Ginawa ni Aquino ang panawagan kasunod ng pangamba ng ilang online business sa patakaran ng BIR. Inaatasan sila nitong magpakita ng badge bago o sa Oktubre 31, 2026 alinsunod sa Revenue Regulations No. 15-2024.
Ang badge ay patunay umano ng rehistro sa BIR na dapat ipaskil ng mga online seller at content creator sa kanilang website, social media page at online store.
“Nahihirapan na nga ang ating mga online business, online sellers, pati na online creators, sa mataas na presyo ng kuryente at langis, tapos pahihirapan pa natin sila sa prosesong ito na wala namang benepisyo sa kanila. Hindi naman ito tama,” ani Aquino.
Sa ilalim ng RR 15-2024, maaaring patawan ng multa ang mga paglabag kaugnay ng pagpaparehistro at pagpapaskil ng mga dokumento ng rehistro.
Kabilang dito ang P1,000 para sa late voluntary registration at P1,000 para sa hindi pagpaparehistro ng pangalan ng tindahan o negosyo.
May P1,000 din na multa sa bawat paglabag sa hindi pagpapaskil ng Certificate of Registration (COR) o electronic Certificate of Registration (eCOR) sa lugar ng negosyo o sa kaukulang online platform.
Hinikayat din ni Aquino ang BIR na magsagawa ng public consultation sa online sellers at content creators. Layon nitong linawin ang bagong requirement, sagutin ang kanilang pangamba sa privacy at proteksyon ng personal na impormasyon, at ayusin ang iba pang problema sa pagpapatupad.
Iginiit ni Aquino na may responsibilidad ang mga negosyo na sumunod sa tax regulations.
Dagdag niya, dapat ding tiyakin ng gobyerno na simple, malinaw at madaling sundin ng mga ordinaryong taxpayer ang mga requirement nito, lalo na ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Batay sa mga ulat, ipinalit umano ng BIR ang badge sa dating requirement na ipaskil online ang buong COR o eCOR upang hindi na malantad ang sensitibong impormasyon ng mga taxpayer.
