Calendar
NV solon pinagtibay pagsusulong ng patas na access sa hustisya
DUMALO sa pagtitipon ng mga abogado si House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph Cayton bilang suporta sa pagsusulong ng patas at mas madaling pag-access sa hustisya para sa bawat Pilipino.
Sa idinaos na Integrated Bar of the Philippines (IBP) Northern Luzon Regional Convention sa Bayombong, Nueva Vizcaya, nagtipon ang mga abogado upang palakasin ang kanilang pagkakaisa at isulong ang paghahatid ng makatarungan at pantay na serbisyong legal sa publiko.
Bilang miyembro ng IBP-Nueva Vizcaya Chapter, nakikiisa si Cayton sa mga inisyatibang naglalayong mapalawak ang access sa hustisya, lalo na para sa mga mamamayang nahihirapang makakuha ng serbisyong legal dahil sa kakulangan ng mga pasilidad at sangay ng hukuman sa kanilang mga lugar.
Isinusulong ng kongresista ang House Bill No. 3948 na naglalayong magtatag ng apat na karagdagang sangay ng municipal trial court sa Nueva Vizcaya.
Layunin ng panukalang batas na mailapit ang mga serbisyo ng hukuman sa mga mamamayan at makatulong na mapadali ang pagdinig at pagresolba sa mga kasong saklaw ng nasabing hukuman.
Sa pamamagitan ng pagtatatag ng karagdagang mga sangay ng MTCs, inaasahang mas maraming residente ang magkakaroon ng mas madaling pagkakataong makalapit sa sistema ng hustisya nang hindi kinakailangang bumiyahe nang malayo upang dumalo sa mga pagdinig.
Binigyang-diin din ng inisyatibang ito ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga abogado, mambabatas at iba pang institusyon upang mapalakas ang sistemang pangkatarungan.
