Batangas

4 timbog sa illegal na pagbenta ng P1.27M petrolyo sa Batangas

19 Views

Batangas1KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas – Huli sa akto noong Martes ang apat na lalaki matapos salakayin ng mga awtoridad ang di-umano’y ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo sa Bauan, Batangas.

Kinilala ni Batangas Police Director PCol. Oliver B. Ebora ang mga suspek na sina alyas Christian, 28; alyas Julius, 31; alyas Jay-R, 43, mga pintor, at alyas Paul, 36, helper.

Nalambat ang apat sa buy-bust ng Provincial Intelligence Unit (PIU-BPPO), kasama ang Bauan Police at MARPSTA Batangas, sa Brgy. Sta. Maria matapos makatanggap ng tip hinggil sa ilegal na gawain sa lugar.

Nahuli sa mismong aksyon ang mga suspek habang itinatakas at isinasiphon ang supply ng diesel mula sa isang bangkang de-motor patungo sa isang puting L200 FB van.

Ang mga suspek ay nabigong magpakita ng permit, delivery receipt, o sales invoice para sa ibinebentang petrolyo.

Kumpiskado sa operasyon ang iba’t ibang kagamitan at produktong petrolyo na nagkakahalaga ng  P1.27 milyon.

Nahaharap ngayon ang apat sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865.