Driver

Drayber nabagsakan ng barrier habang pahiga sa duyan, tigok

21 Views

IBAAN, BATANGAS — Dedo ang isang service driver matapos mabagsakan at mapitpit ng concrete barrier habang nagpapahinga sa ginawang duyan sa Brgy. Quilo, sa bayang ito.

Ayon sa imbestigador ng Ibaan Municipal Police Station, ang nasawi ay kilala bilang si alyas Badong, nasa hustong gulang, at service driver ng STAR Project.

Ayon sa ulat, bandang 7:30 ng umaga noong Oktubre 26, 2026 nang makatanggap sila ng tawag mula sa safety officer ng Monstera Services Inc. at inereport ang natagpuang bangkay sa imbakan ng mga sirang concrete barrier sa loob ng SMC Compound.

Agad na rumesponde ang mga pulis at doon ay nakita nila ang biktima na wala nang buhay.

Sa paunang imbestigasyon, nagkabit ng duyan ang biktima sa mga nakaimbak na sirang concrete barrier.

Subalit habang papahiga na sana ito upang magpahinga, biglang natumba ang isa sa mga dambuhalang semento at direktang tumama sa kanyang mukha—na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Huling nakitang buhay ang biktima noong gabi pa ng Oktubre 22 matapos mag-log out sa trabaho. Hindi agad siya naireport na nawawala dahil akala ng kanyang mga kasamahan ay nakauwi na siya.

Sa kasalukuyan, humiling na ang mga awtoridad ng pagsusuri mula sa SOCO at pagsasagawa ng awtopsiya upang masuri nang husto ang insidente.