Suspek

20-anyos na lalaki nasukol sa 40 carnap cases, homicide, murder

24 Views

SA edad na 20-anyos, nasasangkot na sa 40 kaso ng carnapping ang isang lalaki na naaresto kasama ang 23-anyos nitong kasabwat sa isang operasyon ng pulisya sa Barangay Vasra, Quezon City, madaling-araw nitong Oktubre 30.

Bukod sa 40 na naitalang kaso, may lima ring nakabimbin na warrant of arrest laban sa suspek na si alyas “Mohay.” Lumitaw din sa beripikasyon ng pulisya na mayroon itong mga kasong homicide at murder.

Pinangunahan ng mga operatiba ng Pasong Putik Police Station (PS16) at Project 6 Police Station (PS15) ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa kinaroroonan ng suspek.

Naaresto si alyas “Mohay” sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 72 sa Malabon City kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.

Samantala, nagtangka umanong bumunot ng baril at nanlaban ang angkas ng motorsiklo na si alyas “Yassy,” 23, dahilan ng saglit na komosyon bago tuluyang napasuko ng mga operatiba.

Narekober mula sa dalawang suspek ang isang Para Ordnance P16.40 caliber .40 pistol, isang short-barreled revolver na walang serial number, limang bala ng caliber .40, apat na bala ng caliber .38, at ang puting Yamaha Aerox motorcycle.

Ayon sa beripikasyon sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) System, bukod sa 40 naitalang kaso sa ilalim ng RA 10883, mayroon ding dalawang naitalang kaso si “Mohay” kaugnay ng Presidential Decree 1602 o batas laban sa illegal gambling.

Mayroon din itong limang outstanding warrant of arrest kaugnay ng mga paglabag sa RA 10883. Samantala, may dati nang rekord si “Yassy” kaugnay ng paglabag sa PD 1602.

Nabatid din sa imbestigasyon na posibleng sangkot ang dalawa sa isang insidente ng carnapping ng motorsiklo sa Sacred Heart Village, Quirino Highway, Barangay Pasong Putik Proper, Quezon City, noong Oktubre 25.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Inihahanda rin ang hiwalay na kaso ng carnapping sa ilalim ng RA 10883, alinsunod sa resulta ng karagdagang imbestigasyon at pagsusuri ng Office of the Prosecutor.

Aabisuhan din ang korte na naglabas ng warrant tungkol sa pagkakaaresto ng pangunahing suspek para sa kaukulang aksiyon.

Ayon kay QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo, paiigtingin pa ng pulisya ang intelligence-driven operations upang matugis ang mga wanted person, mapigilan ang krimen at matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Quezon City.