Calendar
Yorme pinagsusuot ng face mask mga senior pag nagtungo sa sementeryo
PINAYUHAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga lolo, lola, mga bata, at may mga mahihinang resistensiya na bibisita sa sementeryo na magsuot na face mask upang makaiwas na makakuha ng sakit sa dagsa ng maraming tao.
“‘Yung mga may nararamdaman at saka may vulnerability ay magsuot ng mask. Sa dami naman ng tao, ‘yung space being occupied per person per square meter ay masyadong maliit na, kaya dikit-dikit na. Kaya ang payo namin ay magsuot po kayo ng mask as much as you can,” payo ng alkalde.
Binalaan din ng alkalde ang mga may magaspang at masamang pag-uugali na iwasang gumawa ng gulo upang mapanatili ang taimtim na paggunita ng Undas.
Ang mga pahayag ng alkalde ay ginawa nang mag-inspeksiyon siya sa Manila North Cemetery Biyernes ng bago mag-tanghali, kasama si Director Daniel “Dandan” Tan, ang administrador ng pinakamalaking Kampo Santo sa bansa.
Ayon pa kay Mayor Isko, 10-araw na silang naghahanda para sa Undas 2026, katuwang ang Manila Police District (MPD) MCDRRMD, Manila Health Department, DEPS, City Electrician, City Engineering, at Manila Traffic Parking Bureau, upang matiyak ang kapayapaan lalu na’t milyon-milyong tao ang inaasahang bibisita sa mga sementeryo.
Bukod sa mga dati ng ipinagbabawal na dalhin ng mga magtutungo sa sementeryo, ipinaalala rin ng alkalde na bawal sa loob ang mga vendors at paglalagay ng hagdan at tulay sa may A. Bonifacio Avenue, papasok sa loob ng Manila North Cemetery.
“Lahat po ng ilalagay ninyong tulay sa A. Bonifacio, kukumpiskahin po ng Manila Police District. Bawal po roon. Saka ba’t pa kayo roon dadaan, ilalagay niyo pa ang sarili niyo sa alanganin?” sabi ng alkalde.
May libreng sakay naman ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na ang bibigyang prayoridad ay mga senior citizen at persons with disabilities mula sa itatakdang ruta patungo sa sementeryo, pabalik sa lugar na kanilang pinanggalingan.
“Napakikiusapan naman nitong ating mga e-trike drivers, basta walang tosgas ang utaw. ‘Huwag kayong mag-aabot, wala kayong babayaran. ‘Yun po ay kaloob sa inyo ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila,” paalala pa ng alkalde.

