Suspek

2 lalaki ninakawan security agency, huli

27 Views

NAHULI ng mga pulis ang dalawang lalaki matapos looban ang security agency sa Brgy. Balon Bato, Quezon City at tangayin ang mga gamit noong Oktubre 27.

Kinilala ang mga suspek sa alyas Alvin, 43, ng Brgy. 162, Caloocan City; at Adrian, 41, ng Brgy. Unang Sigaw, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PLt. Col. Patrick Ramillano, umalis ang manager ng security agency dakong alas-6:30 ng gabi noong Oktubre 27 at ng bumalik ng alas-9:00 ng umaga, tumambad sa kanya ang magulong opisina at nawawalang mga gamit.

Sa pagsusuri sa CCTV footage, nakitang umakyat ang mga suspek sa gate dakong alas-11:30 ng gabi at inabot ang bukas na bintana upang mabuksan ang main door.

Pagpasok sa opisina, pinatay ang CCTV system bago tinangay ang mga gamit.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa noong Oktubre 28.

Naunang nadakip si Adrian dakong alas-8:30 ng gabi, habang nasukol naman si Alvin alas-9:15 ng gabi.

Narekober sa mga suspek ang isang electric fan, desktop monitor, water dispenser, rice cooker, mini refrigerator at barbell.

Ihaharap ang mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay ng kasong robbery, alinsunod sa pagsusuri sa ebidensya at umiiral na proseso ng batas.