Calendar
Kasambahay dinampot sa P2M ‘ninakaw’ sa amo, itinuro Dugo-Dugo
TIMBOG ang 45-anyos na kasambahay dahil umano sa pagnanakaw ng Rolex, alahas at foreign currency na nasa mahigit P2 milyon sa bahay ng kanyang amo sa Quezon City noong Biyernes.
Sa ulat ng Holy Spirit Police Station 14 ng Quezon City Police District (QCPD), nadiskubre ng biktimang abogado ang pagkawala ng kanyang Rolex, Omega Seamaster at iba pang relos, alahas at foreign currency na may kabuuang halagang P2,007,000 sa kanilang bahay sa Brgy. Pasong Tamo..
Sirang-sira ang kandado ng cabinet at sapilitang nabuksan ang cash box sa bahay ng biktima, ayon sa report.
Batay sa imbestigasyon, alas-9:00 ng gabi noong Oktubre 29 nang dumating ang biktima sa kanilang bahay at sinalubong ng kasambahay na nagsabing akala niya’y naaksidente ang kanyang amo batay sa sinabi ng lalaking tumawag sa kanya.
Pero ng komprontahin, inamin ng kasambahay na ibinigay niya ang mga gamit sa isang hindi kilalang tao matapos tumanggap ng mga tagubilin sa pamamagitan ng cellphone.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga security personnel ng subdivision at sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Hindi pa nababawi ang mga nawawalang gamit habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang sangkot sa insidente.
Nahaharap ang suspek sa kasong qualified theft at nasa kustodiya ng pulisya.

