Paws

PAWS hinimok mga pet owner na magsampa ng rekalmo

34 Views

NANAWAGAN ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa mga pet owner na umano’y naloko ng isang pet crematorium na lumantad at magsampa ng kaukulang reklamo matapos madiskubre ang 29 bangkay ng mga aso at pusa na itinapon sa isang bakanteng lote sa Bulacan.

Sa pahayag ng PAWS, iginiit nitong hindi lamang simpleng kabiguan sa paghahatid ng serbisyo ang insidente kundi posibleng estafa by means of deceit sa ilalim ng Article 315(2)(a) ng Revised Penal Code. Ayon sa organisasyon, may mga pet owner umanong nagbayad para sa cremation ngunit binigyan lamang umano ng urn na may abo na hindi mula sa kanilang alagang hayop.

Hinimok ng PAWS ang mga apektadong pamilya na ingatan ang kanilang mga resibo, cremation certificate, komunikasyon, litrato at iba pang ebidensiya, at humingi ng legal na tulong upang maisampa ang nararapat na reklamo.

Nanawagan din ang organisasyon sa lokal na pamahalaan na masusing imbestigahan ang insidente, kabilang ang mga permit ng crematorium at posibleng paglabag sa mga regulasyon sa sanitasyon at kapaligiran.

Binigyang-diin ng PAWS na hindi dapat pagsamantalahan ang tiwala at pagdadalamhati ng mga pamilyang nagpaalaga at nagpa-cremate sa kanilang mga alagang hayop.