Anicete Sinabi ni Police Lt. Col. Rommel Anicete na “ang operasyon sa aming tanggapan ay bukas 24/7 laban sa mga kriminal at handa kaming hanapin at arestuhin kayo kapag nagkasala sa batas dahil maluwag pa ang aming kulungan para sa inyo.”

ANICETE: KULUNGAN  MALUWAG PA PARA SA MGA KAWATAN

Jon-jon Reyes Nov 1, 2026
36 Views

NATIMBOG ng mga operatiba ng MPD Baseco Police Station 13 ang isang drug suspek at isa pang suspek sa pangnanakaw sa Port Area, Manila noong Linggo.

Unang naaresto ang Top 1 Most Wanted Person para sa krimen na pagnanakaw na si alyas Navil, 25, tubong Cotabato, obrero at residente ng Lot 154, Baseco compound, Port Area, Maynila.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, hepe ng MPD-Baseco PS 13, bandang alas-10:45 ng umaga ng damputin ang suspek.

Nahuli ang suspek sa pamumuno ni PCpt. Aldeen Legaspi at PCpt. Leonardo Blanco sa pangangasiwa ni Anicete.

May warrant of arrest ang mga operatiba na inihain sa akusado na pirmado ni Judge Clemente Mogueis Clemente, Presiding Judge ng MeTC Branch 127, Makati City.

Nasabat naman ng mga operatiba ng Station Drugs Enforcement ng Baseco PS 13 sa 26-anyos na lalaki ang 20.86 na gramo ng pinaghihinalaang shabu sa tabi ng Baseco Evacuation Center sa Block 5, New Site, Baseco compound, Brgy. 649, Port Area, Maynila noong Linggo.

Nakilala ang suspek na si alyas Kaduray, tubong-Cotabato, may asawa at residente ng Block 9, Baseco compound, Port Area, Maynila.

Bandang alas 12:16 ng hatinggabi nahuli ang suspek sa pamumuno ni PLt. Mark Jason Ramos.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang tunay na P500 kasama ang 37 piraso ng pekeng P1,000 at isang sachet na naglalaman ng 20.86 na gramo ng shabu na may halagang P141,848.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa suspek.