Abrahano1

Abrahano kumpiyansa sa inilatag na seguridad para sa Undas 2026

Edd Reyes Nov 1, 2026
37 Views

KUMPIYANSA si National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano sa mga inilatag na seguridad at deployment ng mga pulis sa buong Metro Manila sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Mahigit 13,000 pulis sa buong Metro Manila ang itinalaga ng NCRPO, kasabay ng paglalagay sa Full Alert Status ang buong Philippine National Police (PNP), upang matiyak ang kahandaan ng mga tauhan para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa buong panahon ng Undas.

Bagama’t walang namomonitor na partikular na banta sa seguridad, tiniyak ni BGen. Abrahano na handa ang NCRPO na tumugon sa anumang insidente o banta na maaaring maglagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.

Nauna ng nagsagawa ng inspeksiyon si BGen. Abrahano noong Biyernes sa Dangwa Flower Market sa Sampaloc, Maynila, at mga Police Assistance Desk (PADs) sa Manila North Cemetery upang suriin ang police visibility, mga hakbang sa crowd management, at kahandaan ng mga tauhan sa frontline sa pagtugon sa mga pangangailangan at katanungan ng publiko.

Binisita rin niya ang mga PAD sa Farmers Plaza at Superlines Bus Terminal sa Cubao, Quezon City, upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad para sa mga biyahero.

“I expect every police personnel to remain alert, visible, and approachable. Our responsibility goes beyond maintaining peace and order; we must also ensure that people feel safe and have immediate assistance whenever they need it.,” pahayag ni PBGen. Abrahano.

Inatasan din niya ang mga police commander na tiyaking nananatiling disiplinado, maagap, at mapagmatyag ang lahat ng naka-deploy na tauhan, partikular sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng maraming tao at makararanas ng mabigat na daloy ng trapiko.