Theft

Accounting staff muntik ma-withdraw P.3M check gamit pekeng pirma

Edd Reyes Nov 4, 2026
29 Views

INARESTO ng pulisya ang 32-anyos na accounting staff ng isang law firm na nagtangkang i-withdraw ang P386,674.78 halaga ng tseke gamit ang pekeng pirma Martes ng hapon sa Makati City.

Nabisto ang ginagawa ni alyas “Cha-cha” nang magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon ang mga abogado ng Law Office na nasa Paseo de Roxas St. Brgy. Urdaneta matapos matuklasan ang mga hindi awtorisadong transaksiyon ng suspek.

Inamin ng suspek na kinuha niya ang blangkong tseke ng bupete at pineke ang pirma ng dalawang awtorisadong lalagda sa maraming pagkakataon upang ma-withdraw ang halaga ng salapi.

Nang pahintulutan ng suspek ang mga abogado na saliksikin ang kanyang mga gamit sa opisina, nadiskubre pa ang punit na blangkong tseke at ang printed check request form na may pekeng electronic signatures na kanyang dinownload sa kanyang desktop computer.

Dahil dito humingi na ng tulong ang law firm sa mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa mismong tanggapan dakong ala-1:30 ng hapon.

Mahaharap sa kasong Qualified Theft at Falsification of Documents na may kaugnayan sa R.A. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act ang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.