Awards

Las Piñas tumanggap ng parangal bilang top performing city, top performing LPMC

Edd Reyes Nov 4, 2026
27 Views

TUMANGGAP ng parangal bilang Top Performing City at Top Performing Local Project Monitoring Committee (LPMC) ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa 2026 National Capital Region (NCR) SubayBAYANI Awards.

Kinilala ang lungsod dahil sa mahusay na pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura at pagpapalakas ng mga mekanismo sa pagsubaybay sa mga ito upang matiyak na maisasakatuparan ng maayos at matatapos sa takdang panahon upang mapakinabangan ng mamamayan.

Personal na dumalo si Mayor April Aguilar sa awarding ceremony kasama sina City Engineer Michael Aguilar at City Planning and Development Officer Engr. Leonida Lagrisola.

Bukod sa dalawang pagkilala, napabilang din ang Las Piñas sa mga finalist ng Regional SubayBAYANI Grand Awards sa ilalim ng Most Significant Change (MSC) Category.

Layunin ng SubayBAYANI Awards na kilalanin ang mga lokal na pamahalaang nagpapakita ng mahusay na pamamahala at epektibong pagpapatupad at pagsubaybay sa mga proyektong pangkaunlaran.

Ang mga parangal ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas na tiyaking maayos na naipatutupad ang mga proyektong pinopondohan ng lungsod upang makapaghatid ng pangmatagalang benepisyo sa mga Las Piñero.