Calendar
Sarmiento pinababawi subpoena request ng depensa
HINILING ni Dean Ralph A. Sarmiento sa depensa ni Vice President Sara Duterte na bawiin ang kahilingan nito sa Senate Impeachment Court na ipatawag siya bilang testigo sa impeachment trial.
Kung nailabas na ang subpoena, hiniling niyang ipabawi ito ng depensa sa korte.
Si Sarmiento sana ang unang haharap sa Lunes, Nobyembre 9.
Bukod sa kanya, 24 pang testigo ang hiniling ng depensa na ipatawag para sa mga pagdinig mula Nobyembre 9 hanggang 13, kabilang ang 16 na opisyal at empleyado ng walong bangko.
Inihayag ni Sarmiento noong Huwebes na hindi siya tetestigo. Gayunman, nakalista pa rin siya sa iskedyul ng mga testigo na inilabas ng korte noong Nobyembre 5, at hanggang Huwebes ay wala pang inihahayag na aksyon ang korte sa hiling na subpoena para sa kanya.
“After careful consideration, I have decided to decline participation as a witness in the proceedings,” ani Sarmiento, dating vice chancellor for administration at propesor ng political at constitutional law sa University of St. La Salle sa Bacolod City.
“This is a personal decision to preserve the independence of my constitutional law scholarship and the impartiality of my legal views and opinions,” dagdag niya.
Sa hiwalay na video, sinabi rin umano niya: “Hindi po ako pwedeng tumestigo as a witness for either side.”
Noong Hulyo, sinabi umano ni Atty. Regie Tongol, tagapagsalita ng impeachment court, kaugnay ng ibang testigo, na hindi basta makatatanggi ang testigong napadalhan ng subpoena maliban sa mga eksepsiyong kinikilala ng Rules of Court. Ang hindi susunod nang walang balidong legal na batayan ay maaaring ma-contempt of court, aniya.
Batay sa manifestation ng depensa, magpapatotoo sana si Sarmiento tungkol sa mga prinsipyong legal at konstitusyonal na may kinalaman sa kaso at sa Article II ng Articles of Impeachment.
“Nirerespeto at naiintindihan po natin si Dean Sarmiento,” ani Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Duterte.
Sinabi ni Poa na naisumite na ng depensa ang listahan ng mga testigo para sa unang linggo alinsunod sa five-day rule, pero hindi raw nila ilalahad ang laman ng kanilang mga isinumite sa korte.
Hindi tinalakay sa kanyang pahayag kung binawi na ang hiling na subpoena para kay Sarmiento o kung sino ang papalit sa kanya.
Ayon kay Tongol, dalawang manifestation na may hiling na subpoena duces tecum at ad testificandum ang inihain ng depensa noong Nobyembre 4. Utos na magdala ng dokumento ang duces tecum, habang utos na humarap at tumestigo ang ad testificandum.
Hiling pa lamang ang lahat ng subpoena. Rerepasuhin at aaksyunan ito ng Presiding Officer alinsunod sa Rules of Procedure at sa pamantayan ng korte sa relevancy at admissibility, ayon kay Tongol.
Pinahaharap ang mga taga-UnionBank, BDO, BPI, EastWest Bank, Landbank, Metrobank, PSBank at Security Bank. Pinadadala at pinakikilala sa kanila ang certified true copies ng mga sulat-kahilingan ngayong 2026 ni Duterte at/o ni Atty. Manases R. Carpio sa pamamagitan ng kanilang abogado, pati ang mga tugon at sertipikasyon ng mga bangko.
Pinatetestigo rin ang corporate counsel ng Gencorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp. tungkol sa umano’y interes ni Duterte sa dalawang kompanya. Pinadadala rin sa kanya ang mga rekord ng mga ito mula 2022 hanggang 2025.
Nasa listahan ang mga city assessor ng Davao City at Samal para sa tax declarations ng mga ari-ariang binanggit ng prosekusyon, ang city accountant ng Davao City para sa sahod ni Duterte sa lungsod, at ang punong barangay ng Matina Crossing.
Tatlong testigo naman, sina Atty. Anel Martin S. Antero, Chadrin S. Parian at Quezon City prosecutor Vimar M. Barcellano, ang ayon sa depensa ay sasalungat sa mga alegasyon laban kay Duterte sa ilalim ng Article II. Ito ang natitira umanong artikulo matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlo pa.
Ilalahad naman ang mga testigo para sa mga pagdinig sa Nobyembre 19, 20 at 23 alinsunod sa five-day notice requirement.
Ayon sa korte, tuloy sa Lunes ang presentasyon ng ebidensya ng depensa sa Article II.

