Calendar
109 developmental pediatricians sa PH dagdagan–Villanueva, Aquino
HUMILING si Sen. Joel Villanueva ng dagdag na training position para sa mga developmental pediatrician sa tatlong pampublikong ospital at hinimok ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino na palawakin ang access sa mga espesyalistang ito sa buong bansa.
Batay sa datos ng Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics (PSDBP), 109 lamang ang certified developmental pediatrician sa bansa kumpara sa tinatayang 5 milyong mag-aaral na may kapansanan.
Ang developmental pediatrician ay doktor na espesyalista sa pagsusuri ng mga kondisyon sa paglaki at pag-uugali ng mga bata.
Hiniling ni Villanueva ang dagdag na puwesto para sa mga consultant at fellow, o mga doktor na sumasailalim sa dagdag na pagsasanay, sa Philippine General Hospital (PGH), Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at National Children’s Hospital (NCH).
“These are low-hanging fruits. If we can capacitate these hospitals to train more specialists, maybe we can help expand access to developmental assessment and support services,” ani Villanueva.
“The concentration of developmental pediatricians in a few regions shows the need to expand access to specialists nationwide,” wika ni Aquino.
Nakalista ang 109 na doktor sa 156 na klinika sa iba’t-ibang rehiyon dahil 42 sa kanila ang may klinika sa higit sa isang rehiyon.
Sa mga listahang ito, 74 o 47 porsiyento ang nasa National Capital Region (NCR), 24 sa CALABARZON at 18 sa Central Luzon. Nasa 7.7 porsiyento lamang ang listahan sa Visayas at 9 porsiyento sa Mindanao.
Tig-iisa lang ang nakalista sa Bicol, MIMAROPA, Eastern Visayas at SOCCSKSARGEN. Walang nakalista ni isa sa Caraga at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Limitado rin ang kakayahan ng bansa na magsanay ng bagong espesyalista. Bukod sa tatlong pampublikong ospital, ang The Medical City at De La Salle University Medical Center ang dalawang pribadong institusyong may fellowship program.
Nasa Metro Manila ang karamihan sa mga ito. Tanging ang De La Salle University Medical Center sa Cavite ang nasa labas nito.
Lumitaw rin sa pagsusuri ng EDCOM 2 sa datos ng Learner Information System ng Department of Education (DepEd) para sa School Year 2025-2026 na sa 492,902 mag-aaral na may kapansanan sa pampublikong paaralan, 180,519 o 36.6 porsiyento lamang ang may pormal na diagnosis.
Ang natitirang 312,383 o 63.4 porsiyento ay naitala lamang batay sa nakikitang palatandaan ng kapansanan, o disability manifestations, na hindi katumbas ng clinical diagnosis.
“Based on learners with formal diagnosis alone, we see the extreme need to proactively address our shortage in Development Pediatricians, with ratios reaching as high as 1:37,068 in Region 5 and 1:24,728 in Region 12,” ani EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee.
Davao Region ang may pinakamaraming naitalang mag-aaral na may kapansanan na umabot sa 60,257 pero 29 porsiyento lamang sa kanila ang may pormal na diagnosis.
Sumunod ang CALABARZON na may 58,272, NCR na may 46,382, Central Luzon na may 35,616 at Zamboanga Peninsula na may 34,977.
Tanging NCR, CALABARZON at Central Luzon ang may mas maraming mag-aaral na may pormal na diagnosis kaysa sa mga naitala batay lamang sa palatandaan.
Ayon sa EDCOM 2, maaaring mahirapan ang mga pamilya sa ibang rehiyon na makakuha ng kinakailangang assessment dahil nakakonsentra ang mga espesyalista sa iilang lugar.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11650 o Inclusive Education Act, dapat magbigay ang mga Inclusive Learning Resource Center ng multidisciplinary assessment, referral at serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan.
Nanawagan ang komisyon ng mas mahigpit na koordinasyon ng Department of Health (DOH), DepEd, Commission on Higher Education (CHED), PhilHealth at mga lokal na pamahalaan, kabilang ang pagpapalakas ng specialist workforce, pagpapalawak ng training opportunities sa mga rehiyong kulang sa espesyalista at pagpapahusay ng referral system.

