Calendar
Saan napunta P2.297B funds na pumasok sa mga kompanyang iniuugnay kay VP Sara? — Barbers
KINUWESTIYON ni House impeachment adviser Robert Ace Barbers kung saan napunta ang P2.297 bilyong pondong pumasok sa mga kumpanyang iniuugnay kay Vice President Sara Z. Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Nakatanggap umano ng bilyun-bilyong pisong pondo ang mga naturang kumpanya batay sa mga rekord na sinuri ng prosekusyon, subalit walang nakitang idineklarang dibidendo sa mga financial statement na kanilang pinag-aralan.
Binanggit din ni Barbers ang ulat ni forensic accounting expert na Alexander Cabrera na tumutukoy sa iba pang negosyong iniuugnay sa mag-asawa na hindi pa umano lubusang nasusuri.
Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Davao New Royal Taipan Foods Corp. at Geometry Security and Investigation Agency.
Ayon kay Barbers, mayroon ding mga kumpanyang itinatag habang nanunungkulan na bilang Bise Presidente si Duterte.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang tunay na pagmamay-ari sa GenCorp Industries Inc. at Cale88 Foods Corp.
Ayon sa kanya, nakatala ang GenCorp sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte ngunit hindi naman umano lumilitaw ang pangalan nito sa mga dokumentong pang korporasyon na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Samantala, ang Cale88 Foods Corp. ay iniulat na naibenta sa ibang kumpanya. Gayunman, sinabi ng prosekusyon na walang nakitang rekord ang Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa kinakailangang tax clearance para sa paglilipat ng pagmamay-ari nito.
“Sa parehong sitwasyon, iisa ang tanong: sino ang tunay na may-ari?” giit ni Barbers.
Binigyang-diin ni Barbers na tungkulin ng prosekusyon na ilahad ang mga dokumento at impormasyong nakalap upang masuri at napagpasyahan ng Senate Impeachment Court.
“Ang korte na ang bahalang magdesisyon dito. Ang aming trabaho ay ilatag ang mga ebidensya at itanong ang nararapat at suriin ang mga detalye,” paliwanag nito.
Ang mga rekord ng mga kumpanya at iba pang transaksyong pinansyal ay bahagi ng Article II ng impeachment case laban kay Duterte, na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian.
Nakatakdang simulan ng kampo ng Bise Presidente ang paghaharap ng kanilang mga ebidensiya sa Nobyembre 9 upang sagutin ang mga alegasyong iniharap ng prosekusyon.
