Barbers

Barbers: Impeachment trial ni VP Sara matatapos ngayong ’26

Mar Rodriguez Nov 5, 2026
153 Views

UMAASA ang House impeachment team na matatapos ngayong 2026 ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte upang magkaroon na ng pinal na desisyon ang Senado at makatuon na ang bansa sa iba pang mahahalagang usapin.

Ito ang pahayag ni House impeachment team adviser Robert Ace S. Barbers habang naghahanda ang magkabilang panig sa pagpapatuloy ng paglilitis at pagsisimula ng paghaharap ng ebidensiya ng depensa sa Nobyembre 9.

Ayon kay Barbers, mahalagang magkaroon na ng resolusyon sa impeachment case, anuman ang maging resulta nito—conviction or acquittal.

“Ika nga eh kung matatapos natin ito bago matapos itong taon na ito, aba eh well and good so that we can move forward,” ani Barbers.

Hinimok din niya ang publiko na tanggapin at igalang ang magiging desisyon ng Senate Impeachment Court, maging mapatunayang nagkasala o mapawalang-sala ang Bise Presidente.

“Itong impeachment kung magbobotohan bukas, may conviction or may acquittal, we should all welcome that,” pahayag ni Barbers.

Nang tanungin kung paiikliin ng prosekusyon ang pagtatanong sa mga testigo, nagpahayag ng pagdududa si Barbers at inihambing ang naging haba ng pagsusuri ng magkabilang panig sa kanilang mga testigo.

Umaasa siyang hindi na magtatagal ang paglilitis sa natitirang impeachment charge laban kay Duterte.

Matatandaang inaprubahan ng Senate Impeachment Court noong Oktubre 13 ang pagbawi ng prosekusyon sa tatlong impeachment articles na may kaugnayan sa confidential funds, bribery at grave threats.

Dahil dito, ang Article II na lamang ang natitirang usapin na sasagutin ng depensa. Kabilang dito ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa deklarasyon ng mga ari-arian at pagkakaroon umano ng mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.

Ayon kay Barbers, ginamit ng prosekusyon ang mahigit dalawang linggong pahinga sa paglilitis upang muling balikan at ipaalala sa publiko ang mahahalagang ebidensiyang kanilang iniharap.

Kabilang sa mga isyung muling binigyang-diin ang mga rekord ng board of directors ng Metro City Chow Foods Corp., deklarasyon ng pagmamay-ari sa GenCorp Industries Inc., at iniulat na paglilipat ng shares ng Cale88 Foods Corp.

Nais ng prosekusyon na maipaliwanag ng depensa ang mga naturang dokumento at transaksyong pinansyal.

Binigyang-diin ni Barbers na mahalagang maunawaan ng bawat Pilipino ang impeachment bilang isang prosesong nakapaloob sa Konstitusyon at mekanismo upang panagutin ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

“Ito pong usapin tungkol sa impeachment ay napakahalagang usapin na dapat ang bawat Pilipino ay nakakaintindi,” ani Barbers.

Dagdag pa niya, ang impeachment ay isang prosesong konstitusyonal na dapat igalang dahil nagsisilbi itong paraan upang matiyak na walang opisyal ng pamahalaan ang nakahihigit sa batas.

Ayon kay Barbers, kahit ang pinakamataas at pinakamakapangyarihang opisyal sa pamahalaan ay may pananagutang dapat harapin kapag napatunayang lumabag sa batas.