Calendar
Mga kolehiyo, pamantasan tiyaking di maiiwanan — Acidre
NANAWAGAN si House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre na tiyaking hindi mapag-iiwanan ang mga kolehiyo at pamantasan sa pagsusulong ng pandaigdigang oportunidad sa mataas na edukasyon.
Kailangang palakasin ng pamahalaan ang suporta sa mga regional universities at colleges upang magkaroon din ang mga ito ng pagkakataong makipagtulungan sa mga dayuhang institusyong pang-edukasyon at makapagbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga estudyanteng Pilipino, ayon kay Acidre sa paglulunsad ng National Strategy for Transnational Higher Education sa ASEAN-UK Higher Education Week 2026 sa The Peninsula Manila, Makati City.
Binigyang-diin ni Acidre na hindi dapat nakasentro lamang sa malalaking unibersidad sa mga pangunahing lungsod ang mga benepisyo ng internationalization sa edukasyon.
Layunin ng pambansang estratehiya na palawakin ang pakikipagtulungan ng mga institusyong pang-edukasyon sa iba’t-ibang bansa sa pamamagitan ng joint degree at double degree programs, pagtatayo ng mga kampus ng dayuhang unibersidad sa Pilipinas at iba pang programang pinahihintulutan sa ilalim ng Republic Act No. 11448 o Transnational Higher Education Act.
Tinanggap ni Acidre ang nasabing programa dahil makapagbibigay ito ng mas malawak na access sa mga estudyanteng Pilipino sa mga kinikilalang programang akademiko at oportunidad sa pananaliksik sa pandaigdigang antas.
Sinabi niyang maraming state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at pribadong institusyong pang-edukasyon sa mga rehiyon ang may malaking potensyal ngunit nahaharap sa kakulangan ng pondo at teknikal na kakayahan upang makapagtatag at mapanatili ang pakikipagtulungan sa mga dayuhang unibersidad.
Iminungkahi ng mambabatas na pag-aralan ang paglalaan ng nakalaang pondo sa mga susunod na programa at badyet ng CHED, gayundin ang pagbibigay ng competitive grants upang matulungan ang mga institusyong pang-edukasyon na magkaroon ng kakayahang makilahok sa mga pandaigdigang programa.
Kabilang sa mga maaaring pondohan ang pagsasanay at pagpapaunlad ng mga guro, international program accreditation, pagsasaayos ng mga kurikulum ayon sa pandaigdigang pamantayan, at pakikipagtulungan sa pananaliksik sa mahahalagang larangan tulad ng health sciences, engineering, advanced technologies, agrikultura at climate resilience.
Isinusulong din ni Acidre ang ilang panukalang batas upang mapalakas pa ang sistema ng pakikipagtulungan ng mga institusyong pang-edukasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.
Kabilang dito ang House Bill No. 9848 o Philippine Higher Education Internationalization Act na layuning palakasin ang koordinasyon ng pamahalaan at suporta sa mga institusyong nagtatatag ng mga programang pang-edukasyon kasama ang mga dayuhang unibersidad.
House Bill No. 7875 o Philippine Global Education City Act of 2025 na naglalayong manghikayat ng mga dayuhang unibersidad at pamumuhunan sa larangan ng advanced education at research sa Pilipinas.
House Bill No. 9847 o Foreign Academic Faculty Tenure Act para bigyang-daan ang mga state universities and colleges na makakuha ng mahuhusay na dayuhang akademiko upang magturo at magsagawa ng pananaliksik sa mga espesyalisadong larangan, na makatutulong din sa pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng mga lokal na guro.
Binigyang-diin ni Acidre na hindi lamang dapat makinabang ang mga pamantasan sa Pilipinas sa pakikipagtulungan sa mga dayuhang institusyon. Mahalaga ring malinang ang sariling kakayahan ng mga ito upang makapag-alok ng mga programang kayang makipagsabayan sa pandaigdigang pamantayan.
Ayon sa chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, hindi dapat sukatin ang tagumpay ng National Strategy for Transnational Higher Education sa dami lamang ng mga kasunduang nilagdaan ng mga unibersidad.

