Calendar
Hontiveros: ‘Di masama kung humarap si VP Sara
HINDI masama para kay Sen. Risa Hontiveros kung haharap si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial niya pero ipinauubaya niya ito sa defense panel na wala pang ipinakikitang senyales na tatawagin ang Bise Presidente bilang testigo.
“As a senator-judge, iiwan ko sa defense panel kung tatawagin nila siya bilang isang witness nila and kung gawin nila yan, ganun din. Pakikinggan ko at tatanungin din,” ani Hontiveros.
Magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9 sa presentasyon ng depensa.
“Well so far, wala pang indication from defense panel kung tatawagin nila siya. May isa pa lang na witness silang in-identify na tatawagin,” ani Hontiveros.
Gaya ng pagdalo, pakikinig at pagtatanong niya sa presentasyon ng prosekusyon, ganoon din ang gagawin niya sa depensa.
Tinanong din si Hontiveros tungkol sa survey na nagpapakitang humigit-kumulang 70 porsiyento ng mga Pilipino ang nais na sagutin ng Bise Presidente ang mga alegasyon laban sa kanya.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo 20 hanggang 29, 2026, 70 porsiyento umano ang sumang-ayon na dapat harapin ni Duterte ang mga kaso, 17 porsiyento ang hindi sumang-ayon at 13 porsiyento ang hindi pa nakapag-pasya.
Nagsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6, 2026 kaugnay umano ng mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, bribery at korapsyon at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pa. Itinanggi na umano ni Duterte ang mga paratang.
Sinabi rin ni Hontiveros na wala pang pinag-uusapang deadline ang mga senator-judge para pagbotohan ang kaso, habang tinatalakay din ng Senado ang 2027 budget.
“Wala pang pag-uusap ng any deadline or whatever. Basta naghahanda kami para dinggin ang defense panel,” aniya.

