Calendar
Dokumento na magpapatunay na isinuko na posisyon sa private firms nong mag VP dapat iharap ni VP Sara–Barbers
HINAHAMON ni House impeachment adviser Robert Ace Barbers si Vice President Sara Duterte na magharap ng mga dokumentong magpapatunay na isinuko na ng bise presidente ang kanyang mga posisyon at interes sa mga pribadong kumpanya matapos maupo bilang Pangalawang Pangulo noong 2022.
Ayon kay Barbers, kailangang sagutin ni Duterte ang mga nakitang pagkakaiba sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), mga rekord ng mga korporasyon at mga dokumento sa buwis.
“Kung malinis ang lahat, madali itong sagutin,” pahayag ni Barbers.
Hiniling ni Barbers kay Duterte na ilabas ang deed of sale o kasulatan ng bentahan, electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR) at mga dokumentong magpapatunay na nagbitiw siya sa pagiging direktor ng mga kumpanyang may kaugnayan sa kanya.
Ang tinutukoy niyang GIS o General Information Sheet ay ang dokumentong isinusumite ng mga kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC), na naglalaman ng impormasyon tungkol sa kanilang mga opisyal at direktor.
Hinamon din ng mambabatas ang Bise Presidente na magpakita ng katibayan na isinara na nito ang kanyang professional taxpayer registration sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Ipakita ang pagsasara ng professional registration sa BIR, resibo, hindi po kwento,” dagdag nito.
Kinuwestiyon ni Barbers kung bakit nakatala ang GenCorp Industries Inc. sa mga SALN ni Duterte ngunit hindi naman umano nakikita ang pangalan nito sa mga dokumentong isinumite ng kumpanya sa SEC.
Binanggit din nito ang Cale88 Foods Corp., isang kumpanyang dating iniuugnay sa asawa ng Bise Presidente na si Atty. Manases Carpio.
Naibenta umano ang Cale88 sa ibang kumpanya. Gayunman, sinabi ng prosecution panel na wala silang nakitang rekord sa BIR tungkol sa tax clearance na kinakailangan para sa naturang paglilipat ng pagmamay-ari.
Kinuwestiyon din ni Barbers kung bakit nakatala pa rin si Duterte bilang direktor ng Metro City Chow Foods Corp. at kung bakit nananatiling nakarehistro sa BIR ang kanyang propesyonal na aktibidad sa ilalim ng kategoryang legal activities.
Sa ilalim ng Article VII, Section 13 ng Konstitusyon, ipinagbabawal sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ang pagsasagawa ng ibang propesyon, direktang o hindi direktang pakikilahok sa negosyo, at pagkakaroon ng pinansyal na interes sa mga kontrata ng pamahalaan habang nanunungkulan.

