Barbers3

Sagutin mga dokumento, ebidensya sa kalagayan ng yaman, kita ni VP Sara–Barbers

Mar Rodriguez Nov 5, 2026
137 Views

HINAMON ni House impeachment adviser-spokesperson Robert Ace Barbers ang defense team ni Vice President Sara Z. Duterte na sagutin ang mga dokumento at ebidensiyang pinaniniwalaang magpapaliwanag sa tunay na kalagayan ng kanyang yaman, kita, ari-arian at transaksyong pinansyal.

Binigyang-diin ni Barbers na dapat nakabatay sa mga katotohanan, rekord pinansyal at pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon ang magiging desisyon sa impeachment trial at hindi sa alyansang pampulitika o pagpapakitang-tao.

Ayon sa dating mambabatas, hindi sapat na magharap lamang ang depensa ng maraming testigo, mahahabang argumento o pagtutol sa mga proseso ng paglilitis kung hindi naman nito masasagot ang mahahalagang katanungan tungkol sa yaman at mga ari-arian ng Bise Presidente.

“Hindi dami ng testigo ang sukatan ng katotohanan. Ang mahalaga ay kung masasagot nila ang mga dokumento at numerong inilatag ng prosekusyon,” ayon kay Barbers.

Binigyang-pansin ng kongresista kung maipapaliwanag ng depensa ang pagkakatugma ng mga idineklarang ari-arian at pananagutan ni Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at sa mga rekord pinansyal na inilahad ng prosecution panel.

Kabilang din sa mga dapat linawin kung sapat ang idineklarang kita ng Bise Presidente upang maipaliwanag ang naipon nitong yaman at kung maayos na naideklara ang lahat ng interes nito sa negosyo, pamumuhunan at iba pang pinansyal na pag-aari.

Iginiit din ni Barbers na hindi dapat mauwi sa labanan ng impluwensyang pampulitika, personalidad at propaganda ang impeachment proceedings.

May tungkuling konstitusyonal ang Senado bilang Impeachment Court na malayang suriin ang mga ebidensiya, resolbahin ang mga isyu at alamin kung napatunayan ang mga alegasyon alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga patakaran.

Nagbabala rin siya laban sa paggamit ng mga pagtatalo sa proseso, maniobrang pampulitika at hindi kinakailangang pagpapaliban na maaaring makasagabal sa layunin ng paglilitis.

Hinimok ni Barbers ang mga senador-huwes na pairalin ang pagiging patas, malaya at tapat sa Konstitusyon sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Ayon sa kaniya, hindi dapat nakabatay sa pagprotekta sa mga kaalyadong pulitikal o pagpaparusa sa mga kalaban sa politika ang kanilang magiging desisyon, kundi sa walang kinikilingang pagsusuri sa mga ebidensyang iniharap ng magkabilang panig.

“Ang impeachment trial ay hindi paligsahan ng kasikatan, kapangyarihan o political loyalty. Ito ay pagsusuri sa pananagutan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno. Let the documents speak. Let the numbers be examined. And let the truth determine the outcome,” pagtatapos ni Barbers.