Calendar
Kiko kay CJ Zalameda: Repormahin ang hustisya
HINAMON ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan si bagong Chief Justice Rodil Zalameda na pangunahan ang reporma sa sistema ng hustisya sa bansa.
Umaasa rin ang senador na gagawing prayoridad ng bagong punong mahistrado ang pagbabawas sa napakalaking backlog ng mga kaso sa mga korte.
Binanggit ni Pangilinan na ika-97 ang Pilipinas sa 143 bansa at jurisdictions sa 2026 World Justice Project Rule of Law Index. Hindi umano nagbago ang puwesto ng bansa mula 2025, at nakakuha ito ng iskor na 0.46, mas mababa sa 0.59 na average ng East Asia at Pacific.
“Isang paalala na napakarami pang kailangang gawin,” ani Pangilinan.
Pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes si Zalameda bilang ika-28 Chief Justice ng bansa. Papalitan niya si Chief Justice Alexander Gesmundo, na magreretiro ngayong Nobyembre 6 sa edad na 70.
Ayon sa senador, kailangan ng malinaw at nasusukat na mga target sa susunod na mga taon. Kabilang dito ang mas mabilis na pagresolba ng mga kaso at dagdag na hukuman sa mga lugar na kulang at siksikan ang mga korte. Kasama rin ang pagbabawas sa dami ng kasong hawak ng bawat hukom at malaking pagbaba sa bilang ng bakanteng posisyon ng mga hukom.
“Traffic violations man, online scams, korapsyon, o mas mabibigat na krimen, dapat abot-kamay at walang kinikilingan ang hustisya,” dagdag niya.
Iginiit din ni Pangilinan na kailangang harapin ang korapsyon sa loob mismo ng sistema ng hustisya.
“Hindi maaaring makipagkompromiso pagdating sa integridad ng hudikatura — sa pagtatalaga at pag-promote ng mga opisyal, oversight, at pagdidisiplina sa mga nagkakasala,” wika niya.
Muli ring nanawagan ang senador na magpulong ang Judicial Executive Legislative Advisory and Consultative Council (JELACC). Si Pangilinan umano ang nagpanukala ng konsehong ito noong 2007, at nabuo ito sa pamamagitan ng isang kasunduan ng tatlong sangay ng gobyerno noong 2008.
Ayon sa senador, maaaring maging tuluy-tuloy na plataporma ang JELACC para sa koordinasyon ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura sa paglalaan ng pondo at pagsusulong ng mga repormang institusyonal.

