Batangas

P1.297M ‘paihing’ petrolyo nasamsam sa Batangas City

41 Views

Batangas1MagsombolKAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas – Swak sa karsel noong Biyernes ang dalawang kargador matapos mabuking ang itinayo nilang “illegal paihi business” na nagkakahalaga ng P1.297 milyon sa Brgy. Banaba West ng nasabing lungsod.

Nasukol ng mga elemento ng Provincial Intelligence Unit (PIU-BPPO), mga kapulisan ng Batangas City at RSOU4A ang mga suspek na sina alyas John Lloyd, 24; at Rodolfo, 56, tubong-Sariaya, Quezon.

Ayon sa ulat ni Batangas police director PCol. Oliver Ebora, huli sa aktong nagsisipsip ng langis mula sa isang 10-wheeler tanker truck ang dalawa.

Nang hingan ng mga awtoridad, bokya at walang maipakitang resibo, transport manifest, o anumang permit mula sa Department of Energy (DOE) ang mga suspek.

Nasamsam sa lugar ang mga 600 litro ng espesyal na gasolina na nagkakahalaga ng P78,000; 490 litro ng unleaded gasoline na nagkakahalaga ng P69,000 at 4 na bakanteng lalagyan na may halagang P120,000; isang fuel pump na P30,000 ang halaga at apat na siphoning hoses.

Nakakulong na sa GSO-BPPO ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 na inamyendahan ng PD 1865 laban sa kanila.