Suspek

Bgy hall sa Navotas ninakawan ng mga gadget; bebot, 3 kelot dinampot

Edd Reyes Nov 7, 2026
69 Views

SuspekAPAT na umano’y kawatan, kabilang ang isang bebot, na sangkot sa pagnanakaw ng mga gadget sa barangay hall ang nadakip ng pulisya sa follow-up operation Biyernes ng hapon sa Navotas City.

Nadatnan pa ng 60-anyos na tauhan ng barangay ang mga suspek sa loob ng Barangay Hall ng North Bay Boulevard North (NBBN) sa Pescador II St. dakong alas-7:00 ng umaga habang papalabas na, bitbit ang apat na laptop.

Tinangka pang pigilan ng tauhan ng barangay ang isa sa mga suspek subalit tumulong ang tatlo nitong kasama kayat nakatakas ang mga kawatan.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, isa-isang nadakip ang mga suspek dakong alas-2:00 ng hapon, kabilang ang 21-anyos na bebot at tatlo niyang kasabuwat na may edad na 22, 23, at 25 sa magkakahiwalay na lugar sa Lungsod ng Malabon at Navotas at nabawi ang ninenok nilang apat na laptop na may kabuuang halagang P150,000.

Nagpa-abot naman ng papuri kay BGen. Capili at kay Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela si National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano sa mabilis na pagkakadakip sa mga suspek at pagkabawi sa gamit ng barangay na kanilang tinangay.