PAR Larawan: PAGASA/FB

Bagyo nasa labas pa ng PAR; ilang lugar sa bansa, uulanin

48 Views

NANANATILI sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm “Cempaka” na minomonitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Nobyembre 8.

Batay sa 8 a.m. update ng PAGASA, nasa layong 1,740 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon ang bagyo. Taglay nito ang maximum sustained winds na 110 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 135 kph. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 25 kph.

Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Quezon, Surigao del Norte at Sur, Dinagat Islands, at Davao Oriental dahil sa easterlies. Posible ang pagbaha at landslide sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Light rains naman ang forecast sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, at Mountain Province dahil sa Northeast Monsoon o amihan. Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may isolated rain showers o thunderstorms.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA, lalo na ang mga nakatira sa lugar na posibleng makaranas ng pagbaha at landslide.