Calendar
Taas sahod, dagdag benepisyo sa social workers itinutulak
ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod, dagdagan ang mga benepisyo at palakasin ang legal na proteksyon ng mga social workers.
Sa panukalang Social Workers’ Welfare and Protection Act, layunin ni Cayton na mabigyan ng mas makatarungang kompensasyon at sapat na proteksyon ang mga social worker na patuloy na naglilingkod sa mga komunidad, partikular sa mga indibidwal at pamilyang nangangailangan ng tulong.
Sa ilalim ng panukala, itataas ang panimulang posisyon ng Social Welfare Officer I mula Salary Grade 11 patungong Salary Grade 15 upang maihanay ang kanilang panimulang sahod sa iba pang mga lisensyadong propesyonal na nagtatrabaho sa pamahalaan.
Bukod sa dagdag-sahod, na nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng hazard allowance na hindi bababa sa 20 porsiyento ng buwanang basic salary, depende sa aktuwal na bigat at panganib ng mga kasong hinahawakan o mga rescue operation na kanilang isinasagawa.
Saklaw rin ng benepisyo ang mga social worker na nagtatrabaho bilang job order at contract of service upang matiyak na pantay-pantay ang kanilang proteksyon at benepisyo.
Ayon kay Cayton, nakapaloob din sa panukalang batas ang pagbibigay ng P500,000 na tulong-pinansyal sa pamilya ng social worker na mamamatay habang ginagampanan ang kanyang tungkulin at P250,000 naman ang nakalaang benepisyo para sa mga magtatamo ng permanenteng kapansanan dahil sa kanilang trabaho.
Isa pang mahalagang probisyon ng panukala ang pormal na pagkilala sa mga social worker bilang persons in authority.
Mas mabibigat na parusa ang maaaring ipataw sa sinumang mananakit, mananakot o mangha-harass sa kanila habang ginagampanan ang kanilang mga responsibilidad sa paglilingkod sa publiko.
Binigyang-diin ni Cayton na nararapat lamang na tumbasan ng pamahalaan ng makatarungang sahod, sapat na benepisyo at legal na proteksyon ang sakripisyo ng mga social worker.
Hindi dapat na tuwing may krisis lamang kinikilala ang mga social worker bilang mga frontliner, ayon sa kongresista.

