Pic1 Senator Erwin Tulfo Source: Senate of the Philippines

Erwin Tulfo binalaan testigo ni VP Sara; mga senador napikon sa paligoy-ligoy na sagot ng testigo ni Sara

36 Views
Pic
Davao City Assessor Jaime Adalin
JOSEPH MUEGO

NAINIS ang magkapatid na Senador Erwin at Raffy Tulfo at iba pang senador-hukom sa unang testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte dahil sa paligoy-ligoy nitong sagot tungkol sa biyahe sa China at sa isang ari-ariang iniuugnay sa asawa ng bise presidente na si Mans Carpio.

Binalaan ni Sen. Erwin Tulfo si Davao City Assessor Jaime Adalin na maaari siyang ma-cite in contempt sa pag-iwas sa mga tanong tungkol sa biyahe. Inakusahan naman siya ni Sen. Raffy Tulfo na nagsisinungaling tungkol sa gamit ng isang ari-arian sa Davao City na may karatulang Prime Bistro.

Isinalang ng mga abogado ni Duterte si Adalin sa ika-40 araw ng paglilitis para kilalanin ang mga rekord ng buwis ng lungsod. Gusto ng depensa na patunayang nakalista sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte ang kinukuwestiyong ari-arian sa Matina Crossing, Davao City.

Sa pagtatanong ng House prosecutor na si Atty. Benjamin Tolosa Jr., sinabi ni Adalin na itinalaga siyang city assessor noong 2017, nang alkalde pa ng Davao City si Duterte. Tinanong siya ni Tolosa kung kasama siya sa mga opisyal ng lungsod na bumiyahe sa China noong Nobyembre 2025, na sagot umano ng gobyerno ng China ang lahat ng gastos.

“I think that is irrelevant. I think hindi ko talaga ma-recall,” sagot ni Adalin.

Sinabi ni Sen. Vicente Sotto III na mahalaga ang tanong para malaman kung mapagkakatiwalaan ang testigo. Hiningi naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, na namumuno sa paglilitis, na linawin ni Adalin ang sagot niya.

“Ang tanong ay simple, ano po ang hindi ninyo naalala? Yung petsa o yung biyahe?” tanong ni Escudero.

“Yung petsa siguro,” sagot ni Adalin.

“Pero nagbiyahe po kayo sa China noong mga ganong panahon?” usisa ulit ni Escudero.

“Siguro. Again, I don’t have the record. Hindi mo naman memorize yung mga lakad mo, noh,” sagot ni Adalin.

Dito na pinaalalahanan ni Erwin Tulfo si Adalin na nanumpa siyang magsasabi ng totoo.

“Para po tayong niloloko ng testigo na ito. Sir, may I remind you that you are under oath. Yung ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po ’yan. We can cite you in contempt. We are serious here,” sabi ni Erwin.

“Tinatanong kayo kung nakapunta kayo, ayaw ninyong sabihin,” dagdag niya. “Yung pagsisinungaling po ay nasa kaniya iyan, may consequences po iyan.”

Kinuwestiyon naman ni Raffy Tulfo ang sinabi ni Adalin na komersiyal ang ari-ariang may karatulang Prime Bistro pero ginagamit itong tirahan.

“Natawa ako kanina, nakalagay na nga Prime Bistro, commercial ’yun, ibig sabihin. Ang sinabi niya kanina, commercial pero ginagamit as residential,” sabi ni Raffy. “He is lying through his teeth. Lumilitaw na para bang pinagloloko tayo.”

“Nakalagay na nga Prime Bistro, kumbaga iyon ay negosyo, dining,” dagdag niya. “So naglagay ka ng dining, naglagay ka ng karatula para tutulugan mo lang? Parang iyon ang pinapalabas ng witness.”

Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation na nakarehistro kay Mans Carpio ang Prime Bistro. Sa SALN ni Duterte, P10 milyon ang nakasaad na halaga nang makuha ang ari-arian, habang P82,000 ang nakalistang fair market value.

Nauna ring nagpakita ang prosekusyon ng kasulatan ng bentahan na nagsasabing binili ni Carpio ang 379 metro kuwadradong ari-arian sa Juna Subdivision, Matina Crossing, sa halagang P6 milyon noong Hulyo 2024. Isinanla ito sa halagang P8 milyon nang sumunod na buwan.

Ayon sa testimonya ng register of deeds ng Davao City, walang nakitang entry sa 2025 SALN ni Duterte na malinaw na tugma sa presyo, lokasyon at paraan ng pagkakakuha sa ari-arian.