Panday

Mahigpit na regulasyon sa pag-cremate, paglilibing ng mga hayop ipinanukala

Mar Rodriguez Nov 9, 2026
15 Views

IPINANUKALA noong Lunes ni FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe ang mas mahigpit na regulasyon sa pagsusunog at paglilibing sa mga patay na hayop upang maprotektahan ang mga pet owner at matiyak ang maayos na paghawak sa kanilang mga namayapang alaga.

Inihain ni Poe ang House Bill No. 11785, o ang Beyond Pet Loss and Care Act (Companion Animal After-Life Care and Protection Act).

Ayon kay Poe, bunsod ng mga insidenteng kinasangkutan ng mga pasilidad para sa cremation ng mga alagang hayop sa Bulacan at Cavite, kinakailangang magkaroon ng malinaw at mahigpit na pamantayan sa pagbibigay ng ganitong serbisyo.

Layunin ng panukala na matiyak na tunay na na-cremate ang alagang hayop at ang mga abo na ibinabalik sa kanilang mga may-ari ay nagmula mismo sa kanilang minamahal na alaga.

Partikular na tinututukan ng panukala ang isyu ng communal cremation, kung saan pinagsasama-sama ang mga labi ng maraming hayop at posibleng hindi matiyak kung kaninong alaga nagmula ang mga abo na ibinibigay sa mga pet owner.

Bibigyang-diin ang indibidwal na cremation, malinaw na dokumentasyon, transparency at wastong proseso upang mapanatili ang pagkakakilanlan ng mga labi ng bawat hayop.

Nakasaad sa panukala na maaaring patawan ng multang mula P100,000 hanggang P500,000 at pagkakakulong ng isa hanggang apat na taon ang sinumang napatunayang lumabag sa mga itinakdang regulasyon.

Binigyang-diin din ng kongresista na hindi dapat mangamba ang mga lehitimong negosyo dahil layunin ng panukala na palakasin ang tiwala ng publiko at tiyaking nasusunod ang tamang proseso sa pag-aalaga at paghawak sa mga labi ng kanilang mga alagang hayop.

Ibinahagi ni John Arcilla na mayroon siyang 11 aso na na-cremate at ang mga urn na naglalaman ng kanilang mga abo ay iniingatan niya mula pa noong 2004.

Binigyang-diin ng aktor na hindi simpleng alagang hayop lamang ang mga ito dahil nabubuo ang isang espesyal na ugnayan sa pagitan ng mga pet owner at kanilang mga alaga.

Suportado rin ng pet owner na si Marlon De Guzman, na may asong kabilang sa mga natagpuang labi sa Bulacan, ang pagsusulong ng panukalang batas.

Umaasa siyang mabibigyan ng hustisya ang mga pet owner na naapektuhan ng insidente at matutukoy ang mga responsable sa nangyari, partikular ang mga nasa likod ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium.