Amok

Tambay naghamon ng away, kalaboso

Edd Reyes Nov 9, 2026
6 Views

KALABOSO ang 40-anyos na tambay nang mahuli sa akto ng pagwawala at paghahamon habang armado ng baril Linggo ng gabi sa Valenzuela City.

Nagpapatrulya ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa East Service Road nang lapitan sila ng isang residente upang isumbong ang panggugulo at paghahamon ng away ng suspek sa terminal ng tricycle sa Brgy. Paso de Blas dakong alas-10:20 ng gabi.

Nang magtungo ang mga pulis sa nasabing lugar, inabutan nila ang suspek na residente ng Brgy. Mapulang Lupa, habang nagsisisigaw na naghahamon ng away habang hawak ang isang kalibre .38 revolver.

Kaagad na dinakip ng mga pulis ang suspek at kinumpiska ang hawak niyang hindi lisensiyadong baril na kargado pa ng tatlong bala.

Nakapiit na sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong Alarm and Scandal at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.