Calendar
Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin
Ari-aran ng asawa ni VP Duterte tinanong kung deklarado sa SALN

JOSEPH MUEGO
KINUWESTYON ng prosekusyon kung ang ari-ariang binili ng asawa ni Vice President Sara Duterte sa halagang P6 milyon sa Davao City ay ang P10 milyon na halaga sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Tinutulan ni prosecution lawyer Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang ilang bahagi ng testimonya na nais patunayan ng depensa sa pamamagitan ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin.
Iniharap si Adalin ni defense lawyer Atty. Lindon Miguel Bacquel upang ipaliwanag ang limang tax declarations na may kaugnayan sa pinagtatalunang ari-arian sa Matina Crossing, Davao City.
Kinuwestiyon ni Tolosa kung sapat ang mga dokumento upang patunayang ang lupang sakop ng Transfer Certificate of Title (TCT) No. 146-2024010775 ay siya ring ari-ariang nakasaad sa SALN ni Duterte.
Inilarawan niya ang ilang bahagi ng panukalang testimonya ng depensa bilang “improper” at “misleading,” kasabay ng pagtukoy sa malaking pagkakaiba sa acquisition value ng ari-arian.
Ayon kay Adalin, dating nakapangalan ang ari-arian kay Cynthia Basilio-Madelo sa ilalim ng TCT No. 146-2013006766 bago inilipat kay Atty. Manases Carpio, asawa ng Bise Presidente, sa pamamagitan ng deed of sale.
Iginiit ng prosekusyon na hindi sapat ang pagkakaroon ng tax declaration at titulo sa pangalan ni Carpio upang awtomatikong mapatunayang tama ang pagkakadeklara ng naturang ari-arian sa SALN ni Duterte.
Batay sa mga naunang dokumentong iniharap sa impeachment court, binili umano ni Carpio ang 379-square-meter property sa Matina Crossing sa halagang P6 milyon noong Hulyo 2024.
Gayunman, itinuro ng depensa ang isang ari-ariang nagkakahalaga ng P10 milyon na nakatala sa pangalan ni Carpio sa 2024 SALN ni Duterte.
Kinuwestiyon ng prosekusyon kung naipaliwanag ng sapat ang P4 milyong pagkakaiba sa halaga, gayundin ang hindi pagtutugma ng ilang detalye sa mga dokumento.
Pangunahing usapin kung iisang ari-arian ang tinutukoy ng titulo, tax declaration at SALN, at kung tama ang acquisition cost na idineklara ng Bise Presidente.
Iniharap ni Bacquel si Adalin upang linawin ang kasaysayan ng pagmamay-ari, mga tax declaration at lokasyon ng ari-arian.
Gamit ang Administrative District Index Map, kinumpirma ni Adalin na ang Matina Crossing at Brgy. 74-A ay tumutukoy sa iisang lugar sa Davao City.
Tinanggap ng prosekusyon ang paglilinaw sa lokasyon ngunit nanindigan sa pagtutol sa iba pang bahaging nais patunayan ng depensa.
Iginiit ng depensa na mahalaga ang mga tax declaration at iba pang opisyal na rekord upang maipakitang naideklara na ang ari-arian sa SALN ni Duterte.
Nauna ng kinuwestiyon ng prosekusyon ang iniulat na paglilipat ni Carpio ng kanyang shares sa Cale88 Foods Corporation matapos lumitaw sa testimonya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang nakitang electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR) o nakabinbing aplikasyon para sa naturang transaksyon.
Sa naunang pagdinig, sinabi ni BIR official Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez na walang natagpuang rekord ng eCAR kaugnay ng iniulat na paglilipat ng shares ni Carpio sa kumpanya.
Ginamit ito ng prosekusyon upang kuwestiyunin kung nakumpleto ang iniulat na divestment alinsunod sa mga kaukulang tax requirement.
Ang eCAR ay dokumentong iniisyu ng BIR matapos matugunan ang naaangkop na mga obligasyon sa buwis para sa ilang paglilipat ng ari-arian at shares.
Hiwalay ang transaksiyon sa Cale88 sa usapin ng lupang nasa Matina Crossing. Hindi awtomatikong nagpapatunay ng iregularidad sa pagbili ng lupa ang kawalan ng eCAR sa paglilipat ng shares.
Samantala, humingi si Bacquel ng karagdagang panahon upang suriin ang mga dokumentong dala ni Adalin, dahilan upang magbigay ng maikling recess si impeachment court Presiding Officer Francis Escudero.
Itinatanggi ng kampo ni Duterte na may itinagong ari-arian o sinadyang pagkukulang sa kanyang SALN at iginigiit na hindi awtomatikong nangangahulugan ng maling deklarasyon ang pagkakaiba sa mga dokumento.
Bahagi ang usapin sa Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa mga alegasyon ng unexplained wealth, hindi kumpletong deklarasyon ng ari-arian at mga interes sa negosyo.
Nananatiling pangunahing tanong kung ang mga dokumentong iniharap ng depensa ay tumutukoy nga sa ari-ariang nakatala sa SALN, o kung may mahalagang pagkukulang sa deklarasyon ng Bise Presidente.
Nasa mga senador na nagsisilbing impeachment judges ang pagpapasya kung sapat ang mga ebidensiya upang patunayan ang mga alegasyon o kung napag-ugnay ng depensa ang magkakaibang rekord ng ari-arian.
