Calendar
Binata binuwis buhay para sa nalulunod na kaibigan

LIAN, Batangas — Isang binata noong Biyernes ang nagbuwis ng buhay matapos sagipin ang kaibigang nalulunod sa dagat sa Brgy. San Diego ng bayang ito.
Kinilala ng Lian police ang nasawing biktima na si Jason.
Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng tanghali ng nagkayayaang lumangoy sa dagat ang biktima at mga kaibigan pero bigla na lang silang tinangay ng malakas na alon patungo sa malalim na bahagi ng dagat.
Tinulungan ni Jason ang isa niyang kaibigan patungo sa mababaw na lugar ngunit sa kasamaang-palad, ang biktima naman ang naubusan ng lakas, lumubog at nawala sa paningin ng kanyang mga kasama.
Humingi ng saklolo ang mga kaibigan nito sa mga residente at awtoridad upang magsagawa ng search and rescue operation.
Bandang alas-3:00 ng hapon natagpuan ang katawan ng biktima at isinugod sa Apacible Memorial District Hospital.
Sinubukan pa itong i-revive ng mga doktor, subalit idineklarang dead-on-arrival ni Dr. Jerome Dela Trinidad dakong alas-3:25 ng hapon.
