Isko

Mayor Isko sa DEPS: Liwasang Bonifacio linising mabuti

Edd Reyes Nov 16, 2026
8 Views

Isko1PUSPUSAN ang ginawang paglilinis ng Department of Environmental and Sanitation Services (DEPS)sa Liwasang Bonifacio upang maalis ang masangsang na amoy na inireklamo ng mga rallyista noong araw ng Linggo.

Ayon kay DEPS Director Kenneth Amurao, mahigpit ang direktiba ng alkalde na linising mabuti ang liwasan matapos mapaulat na nagkalat ang ihi at dumi ng tao sa plaza bago magtungo rito noong Linggo ng umaga ang mga rallyistang tutol sa pagbisita sa bansa ni US President Donald Trump.

Sinabi ni Amurao na gumamit na sila ng disinfectant at deodorizer upang tuluyang maalis ang sinasabing masamang amoy na ayon sa mga organizer ng rally ay sinadya umanong ilagay sa naturang freedom park upang hindi makatagal ang mga rallyista.

Ibinintang nila sa mga pulis ang sadyang pagkakalat ng dumi ng tao at pagsaboy ng ihi sa lugar na mariin namang ikinaila ng pamunuan ng Manila Police Department (MPD) at maging ng Malacanang.

Tiniyak naman ng DEPS na hindi lang isang araw nilang isasagawa ang paglilinis sa Liwasang Bonifacio dahil inaasahan pa ang pagdagsa rito ng mga rallyista hanggang sa panahong matapos ang ASEAN Summit sa Miyerkules.