Acidre

Acidre kinuwestyon 7 taong ‘di pagdedeklara ni VP Sara ng cash, bank deposits

Mar Rodriguez Nov 17, 2026
17 Views

KINUWESTIYON ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman at TINGOG Partylist Rep. Jude A. Acidre ang 7 taon na hindi hiwalay na idineklara ni Vice President Sara Duterte ang kanyang cash holdings at bank deposits sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2019 hanggang 2025.

Ayon kay Acidre, dapat masusing siyasatin ang paulit-ulit na hindi paglalagay ng naturang mga ari-arian sa SALN ng Bise Presidente dahil hindi na ito maituturing na simpleng pagkakamali lamang sa pagsusumite ng dokumento.

“Pero seven years hong ganito. Seven years hong hindi nagdedeklara ng cash, hindi nagdedeklara ng bank deposit,” diin ni Acidre.

Sa mga rekord na iniharap ng Office of the Ombudsman sa impeachment trial, dati umanong magkahiwalay na idineklara ni Duterte ang kanyang cash on hand at cash in bank sa mga naunang SALN ngunit simula 2019 ay hindi na nakalista nang magkahiwalay ang mga naturang kategorya.

Maaaring nagpapakita ito ng paulit-ulit na pagtatago ng impormasyon tungkol sa yaman ng Bise Presidente.

“So we see a pattern of concealment. Pilit na itinatago ng Bise Presidente ang kanyang yaman,” pahayag ng kongresista.

Ipinaliwanag ng kampo ni Duterte na isinama lamang sa pinagsama-samang kategoryang tinatawag na “others” ang kanyang cash, bank deposits at iba pang personal na ari-arian.

Kinuwestiyon ng mga testigo ng prosekusyon ang naturang paliwanag at iginiit na dapat magkakahiwalay na nakasaad sa SALN ang mga naturang ari-arian alinsunod sa mga patakaran sa pagsisiwalat ng yaman ng mga opisyal ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Acidre na maaaring mangyari ang pagkakamali sa pagsusumite ng SALN sa loob ng isa o dalawang taon, ngunit kung pitong magkakasunod na taon itong nangyari, nararapat lamang na magkaroon ng masusing pagsusuri.

“You can file a correction. Kasi siyempre may pagkakataon na nagkamali, may nakaligtaan,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, obligadong maghain ng SALN ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan upang maipakita ang kanilang mga ari-arian, pagkakautang at pinansyal na interes bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency at pananagutan sa publiko.

Ayon kay Acidre, mahalagang matukoy kung ang mga idineklara ng isang opisyal sa kanyang SALN ay tunay na sumasalamin sa kanyang kalagayang pinansyal at kung ang halaga ng kanyang mga ari-arian ay naaayon sa kanyang lehitimong kinikita.

Ginamit naman ng House impeachment prosecution ang mga rekord pinansyal mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba’t ibang institusyon ng pagbabangko upang kuwestiyunin kung tama at kumpleto ang mga deklarasyon ni Duterte sa mga taong saklaw ng natitirang impeachment charge.

Iginiit ni Acidre na kailangang bigyang-pansin ang pitong taong magkakasunod na hindi magkahiwalay na pagdedeklara ng cash at bank deposits dahil iba ang implikasyon ng paulit-ulit na hindi pagsunod sa mga patakaran kumpara sa isang pagkakamaling agad namang naitama.

Nakasentro ang usapin sa kung sapat ba ang paggamit ng pinagsama-samang kategoryang “others” upang matugunan ang mga rekisito sa SALN at kung mapapatunayan ng mga rekord pinansyal na hindi wasto ang naging deklarasyon ng mga ari-arian ni Duterte habang nanunungkulan sa pamahalaan.