Calendar
Abrahano suportado pag-aresto sa lalabag sa batas sa ASEAN Summit
BUO ang suporta ni National Capital Region Police Office (NCRPO) OIC P/BGen. Christopher Abrahano sa mga tauhan sa pag-aresto sa mga lalabag sa batas sa mga kilos-protesta kaugnay ng 49th ASEAN Summit.
Ayon kay BGen. Abrahano, nakasuporta ang NCRPO sa mga pulis na gumaganap sa tungkulin ng may propesyonalismo alinsunod sa batas at mga patakaran sa operasyon ng PNP.
Bagama’t ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan ng bawat mamamayan sa mapayapang pagtitipon, hindi ito nangangahulugang malaya silang lumabag sa batas, sabi ng heneral.
Nagbabala rin ang NCRPO chief sa mga maaaring magsamantala sa pagdaraos ng internasyonal na pagtitipon upang gumawa ng mga labag sa batas, manggulo, humadlang sa mga operasyong panseguridad o maglagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.
Binalaan din niyang muli ang mga magsasagawa ng kilos-protesta na bagama’t iginagalang ng pulisya ang kanilang karapatang magpahayag ng saloobin at magsagawa ng mapayapang pagtitipon, ang sinumang lumabag sa batas ay dapat managot.
Pinaalalahanan din ni PBGen. Abrahano ang lahat ng tauhan ng NCRPO na ang pagpapatupad ng batas ay dapat laging nakabatay sa disiplina, propesyonalismo, pagiging patas at paggalang sa karapatang pantao.
